LUNGSOD NG MAKATI, 19 Enero 2026 — Sa pangunguna ni Education Secretary Sonny Angara, sisimulan na ng DepEd ngayong Pebrero ang pamamahagi ng bamboo-made na school furniture sa piling pampublikong paaralan. Ito ay bahagi ng pagpapatupad ng 15-taong gulang na polisiya sa ilalim ng Executive Order No. 879, s. 2010, na nagsasabing 20% ng school furniture ay dapat gawa sa bamboo.

Mula Pebrero hanggang Marso, makatatanggap ang mga paaralan ng 144,081 set ng mesa at upuan para sa mga mag-aaral at 3,235 set para sa mga guro. Layunin nitong palitan ang mga lumang, sirang, o ginagamit ng marami na upuan at mesa na nakakaapekto sa araw-araw na klase.

Kasabay ng pamamahaging ito, tuluyan na ring isinasakatuparan ng DepEd ang matagal nang patakaran ng gobyerno na nag-uutos na 20 porsiyento ng school furniture ay dapat gawa sa kawayan. Bagama’t inilabas pa ang polisiya noong 2010, ngayon lamang ito ganap na naipatutupad sa aktuwal na procurement at delivery—sa pamamagitan ng matibay at climate-resilient na engineered bamboo—sa pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara, at alinsunod sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sustainability at pagpapalakas ng lokal na industriya.

“Matagal na itong polisiya. Pero, ngayon ay binibigyang-buhay natin ito. For the first time in history, naipatutupad na natin ang mandatory 20% bamboo allocation sa school furniture,” ani Secretary Angara.

“Gusto naming ipakita na puwedeng maging matibay, sustainable, at de-kalidad ang school furniture para sa ating learners at teachers. Kasabay nito, napo-promote din natin ang Tatak Pinoy, na matagal na nating isinusulong—isang pagkilala sa galing at husay ng mga Pilipino,” dagdag pa niya.

Bukod sa school furniture, tuloy-tuloy din ang DepEd sa pagpapalawak at pagpapabuti ng mga pasilidad ng paaralan. Sa kasalukuyan, 5,766 classrooms na nagkakahalaga ng Php 16.19 bilyon ang ginagawa sa ilalim ng For Issuance of Special Allotment Release Order (FISARO) Batch 1.

Mula sa pondong ito, target ng DepEd ang pagtatayo ng 2,333 Learning Continuity Spaces (LCS) na may halagang Php 3.5 bilyon, pati na rin ang 1,333 LCS na nagkakahalaga ng Php 2 bilyon sa ilalim ng Disaster Preparedness and Response Program (DPRP).

Ayon pa kay Secretary Angara, kabilang din sa mga prayoridad ang pagtatayo ng 800 classrooms para sa Last Mile Schools na nagkakahalaga ng Php 3 bilyon, gayundin ang 1,300 karagdagang classrooms na may aprubadong Program of Works na nagkakahalaga rin ng Php 3 bilyon.

Para masigurong mas maayos ang loob ng mga silid-aralan, naglaan din ang DepEd ng Php 3.69 bilyon sa ilalim ng FISARO Batch 1 para sa 24,424 mesa at upuan ng mga guro at 1,099,111 mesa at upuan ng mga mag-aaral sa buong bansa.

Samantala, sa FISARO Batch 2, naglaan ang DepEd ng Php 11.35 bilyon para sa pagkumpleto ng 2,067 classrooms, pagkukumpuni ng 11,886 classrooms, at pagpapanumbalik ng 258 Gabaldon school buildings. Mayroon ding Php 500 milyon na pondo para sa pagtatayo at pagpapahusay ng mga School Health Facilities.

“Malinaw ang direksyon natin ngayong taon. Patuloy nating tinutugunan ang kakulangan sa pasilidad ng mga paaralan sa buong bansa. Gagamitin natin nang maayos ang pondong inilaan sa atin para makapagbigay ng mas mabilis at mas epektibong solusyon—para sa kapakanan ng ating mga guro at mag-aaral,” ani Secretary Angara.