GENERAL TRIAS CITY, CAVITE, 20 Enero 2026 — Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara nitong Martes ang turnover ng isang apat na palapag na gusali na may 16 na silid-aralan sa Santiago Elementary School, bilang bahagi ng pinaigting na hakbang ng Department of Education (DepEd) para matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan sa mga lumalaking urban areas at maisulong ang career progression ng mga guro.

Ayon kay Angara, ipinapakita ng proyekto ang malinaw na direksyon ng administrasyon na maghatid ng konkretong solusyon sa school level. Malaking tulong ito sa matagal nang kakulangan sa oras at espasyo na nararanasan ng mga mag-aaral at guro sa SDO General Trias City, kung saan mabilis ang pagdami ng enrollees na nagdudulot ng siksikan sa mga silid-aralan at hirap sa araw-araw na klase.

“Proven naman po yan, kapag siksikan ang mga silid, hindi makapagturo nang maigi ang teachers. Ayaw na po natin ng shifting as much as possible,” ani Angara, kaugnay ng mas malawak na agenda sa reporma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang bagong gusali ay may mga smart TV, armchairs, at mga safety feature tulad ng fire alarms at emergency lights. Malaki ang maitutulong nito sa kapasidad ng Santiago Elementary School na nagsisilbi sa mahigit 2,400 mag-aaral.

Sa tulong ng maayos na pagtutulungan ng DepEd at city government at paggamit ng Special Education Fund (SEF) upang pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan, mahigit 100 silid-aralan na ang naipatayo o ginagawa sa buong dibisyon sa loob ng wala pang tatlong taon. Dahil dito, nabawasan ang siksikan sa mga paaralan.

Dagdag pa ni Angara, ipinatutupad din ng DepEd sa buong bansa ang iba’t ibang hakbang para mas mapabilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan. Kabilang dito ang pagpapahintulot sa mga LGU na magtayo ng school buildings, pagpapalawak ng public-private partnerships para sa malalaking proyekto, at pagpapalakas ng Adopt-A-School Program upang makahikayat ng suporta mula sa pribadong sektor. Layunin ng mga hakbang na ito na umakma sa national funding at maiwasan ang pagkaantala sa mga lugar na may agarang pangangailangan.

“First time in history na gagawin, ibaba na ang pera sa mga LGUs, through decentralization of power, through decentralization of resources,” dagdag ni Angara.

Mas maraming gurong na-promote sa ilalim ng ECP

Matapos ang turnover ng silid-aralan, pinangunahan ni Angara ang mass oathtaking ng 542 guro mula sa Cavite cluster na na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System. Mahigit kalahati ng mga na-promote ay mula sa SDO General Trias City. Para sa maraming guro, ang promosyon ang nagtapos sa ilang taon o sa ibang kaso, ilang dekada ng paghihintay para sa pag-usad ng kanilang karera.

Isa sa mga kuwentong naantig ang maraming dumalo ay ang kay Carmen R. Zorilla, na ngayon ay Teacher IV ng Tropical Village Elementary School.

“Sa loob ng 28 taon, Teacher I po ako. Kontento na sana ako, dahil ang sukatan ng tagumpay ko ay ang bawat batang natutong bumasa, umunawa, at mangarap. Hindi ko po inakalang darating ang panahong ito, na mapo-promote ako.”

Nagpasalamat din si Zorilla kina Pangulong Marcos at Sec. Angara sa mga repormang nagbukas ng landas para sa pag-angat ng mga guro.

“Sa ilalim ng Expanded Career Progression, napatunayan naming ang pag-angat ng guro ay posible. Hindi po kami pinabayaan ng DepEd. Dahil dito, wala nang gurong kailangang magretiro bilang Teacher I.”

Ayon naman kay Angara, makasaysayan ang lawak ng mga promosyon sa ilalim ng ECP. “Ang estimate po natin, before 2026 ends, basta na-release po ‘yong pera, makakapag-promote tayo ng 100,000 teaching positions. First time sa kasaysayan po ng DepEd na ganyang karami ang na-promote, ang nabigyan ng pagkilala.”

Sa buong bansa, nakapag-hire na ang DepEd ng 27,080 guro, nakapag-reclassify ng 16,025 educators, at nakapagproseso ng mga bagong posisyon para sa teaching, school leadership, guidance counseling, at administrasyon upang masolusyonan ang backlog sa promosyon at mapatatag ang workfoce sa mga pampublikong paaralan.

Ipinapakita ng dalawang aktibidad, ang turnover ng silid-aralan at ang oathtaking ng mga guro, ang estratehiya ng DepEd na pagsabayin ang pamumuhunan sa pasilidad at reporma sa human resources upang mapabuti ang learning conditions at outcomes sa mga pampublikong paaralan.