![]() |
LUNGSOD NG MAKATI, 21 Enero 2026 — Pinagtitibay ng Department of Education (DepEd) ang bagong memorandum of agreement (MOA) kasama ang mga local government units (LGUs) upang pabilisin ang pagtatayo, pag-aayos, at pagpapaganda ng mga pampublikong silid-aralan gamit ang 2026 national budget. Inaasahang makatutulong ito upang mabawasan ang siksikan sa mga silid-aralan at mapabuti ang kalagayan ng pag-aaral para sa mga estudyante at guro.
Ang kasunduan ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang paghahatid ng basic education facilities. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, pinapalakas ng MOA ang koordinasyon ng DepEd at LGU sa pagtukoy sa mga prayoridad na paaralan, paglaan ng pondo at resources, at pagpapatupad ng mga proyekto ng silid-aralan na sumusunod sa national education at infrastructure standards, habang isinasaalang-alang ang lokal na pangangailangan.
“Mas mabilis kaming makakakilos kapag katuwang ang LGU, dahil sila ang mas nakakaalam kung alin ang pinaka-kailangan ng kanilang mga paaralan,” sabi ni Angara. “Ginagawa natin itong malinaw at maayos kasama ang mga liga ng LGU para siguradong ang pondo ay mabilis na nagiging silid-aralan para sa mga bata at guro.”
Nakabatay ang MOA sa probisyon ng 2026 General Appropriations Act na nagpapahintulot sa DepEd na makipagtulungan sa mga kwalipikadong LGU para sa paghahatid ng mga basic education facilities.
Nakikipag-ugnayan rin si Angara sa mga pangunahing LGU associations, kabilang ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), League of Provinces of the Philippines (LPP), at League of Cities of the Philippines (LCP), upang i-finalize ang detalye ng implementasyon at masiguro na magkaka-ayon ang mga LGU sa pamantayan, proseso, at iskedyul ng pagtatayo ng silid-aralan.
Sa ilalim ng MOA, maaaring maging katuwang sa implementasyon ang mga LGU gamit ang iba’t ibang paraan, tulad ng kanilang regular na procurement processes, kombinasyon ng pondo mula sa national allocations, national tax allotment, special education funds (SEF), pati na rin sa mga programa para sa bagong pagtatayo, pag-aayos, o pagpapaganda ng mga learning spaces.
Magbibigay ang DepEd ng standard na disenyo, technical framework, at supervision upang matiyak na lahat ng proyekto ay sumusunod sa Minimum Performance Standards and Specifications, kasama ang audit at accountability rules.
Tinutukoy ng MOA ang mga tungkulin at responsibilidad ng DepEd at ng mga kalahok na LGU, kabilang ang saklaw ng proyekto, paglalaan ng pondo, iskedyul, at monitoring mechanisms. Nakapaloob rin dito ang mga patakaran para sa transparency, tamang paggamit ng pondo, at pagsunod sa auditing rules, kung saan may kapangyarihan pa rin ang DepEd na suriin ang plano, i-verify ang natapos na silid-aralan, at mag-require ng corrective action kung hindi nasusunod ang pamantayan.
Ayon kay Angara, inaasahang makakatulong ang kasunduang ito upang mas mapabilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan, at matugunan ang kakulangan na 165,000 silid-aralan. Sa huli, mabibigyan ng mas ligtas, hindi masisikip, at mas maayos na learning spaces ang milyun-milyong mag-aaral at kanilang mga guro sa pampublikong paaralan.


