LUNGSOD NG MAKATI, 22 Enero 2026 — Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang pinalawak na Alternative Learning System (ALS) na layong palakasin ang flexible learning pathways para sa out-of-school children, youth, at adults, habang mas inaayon ang programa sa formal K to 12 curriculum at sa kailangang employability at life skills.

Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang human impact ng mga repormang ito, kasabay ng pagbibigay-pugay sa dedikasyon ni Mang Eduardo Saplala, isang 81-anyos na Aeta mula Porac, Pampanga, na kasalukuyang naka-enroll sa ALS sa probinsya.

Si Mang Eduardo, na miyembro ng Aeta community sa Barangay Camias, ay kabilang sa Basic Literacy Program (BLP) sa ilalim ng ALS program ng DepEd sa lalawigan. Ang kanyang pagbabalik sa pag-aaral ay naging posible sa pamamagitan ng community-based instruction, flexible pacing, at competency-based assessment—mga elementong mas pormal nang isinama sa updated ALS guidelines.

“Patunay si Mang Eduardo na walang edad ang edukasyon. Sa Alternative Learning System, may ikalawang pagkakataon ang bawat Pilipino,” ani Angara. “Pinapalakas natin ang ALS para maging tunay na alternatibo—hindi pansamantala, hindi panghuli, kundi isang lehitimong landas ng edukasyon.”

Dagdag pa niya, ang pagpapalawak ng programa ay nakaangkla sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa inclusive growth. “Sa malinaw na direksyon ng Pangulo, isinusulong natin ang edukasyong may dangal at oportunidad, lalo na para sa mga naiwan o napag-iwanan ng sistema,” ani Angara.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 1, s. 2026, isinantabi ng DepEd ang mas malinaw at standard na implementasyon ng ALS sa lahat ng rehiyon, kasabay ng pagpapalawak ng learning options para sa out-of-school children, youth, at adults. Inaayon ng polisiya ang ALS competencies sa formal K to 12 curriculum at pormal na kinikilala ang flexible learning modalities at recognition of prior learning, habang ipinapakilala rin ang micro-certification. Batay sa polisiya, ang pag-usad ng learners ay nakabatay sa demonstrated mastery ng competencies at hindi sa edad o haba ng panahon ng paglahok sa programa. Mahalaga na ngayon ang individual learning agreements at portfolio-based assessments sa pagsubaybay ng progreso, na nagbibigay-daan sa learners na pumasok, huminto, at magpatuloy ng pag-aaral ayon sa kanilang sitwasyon.

Nililinaw rin ng polisiya ang equivalent pathways sa loob ng ALS, kabilang ang Basic Literacy, Accreditation and Equivalency sa elementary at junior high school levels, at senior high school offerings. Maaaring bumalik ang ALS completers sa formal schooling, kumuha ng technical-vocational certification, o direktang pumasok sa employment, depende sa kanilang layunin at competencies.

Pinagtitibay din ng enhanced ALS framework ang papel ng local governments, universities and colleges, non-government organizations, at private entities sa implementasyon ng ALS, kabilang ang operasyon ng community learning centers at access sa facilities, learning resources, at specialized instruction sa pamamagitan ng existing coordination mechanisms.

Bukod dito, pormal ding isinama ng DepEd ang capacity-building programs para sa ALS teachers at implementers, kabilang ang training sa revised curriculum, learner assessment, at blended learning delivery. Pinahusay din ang monitoring at evaluation mechanisms upang masiguro ang consistent standards at masubaybayan ang learner completion at transition outcomes sa buong bansa.

Simula School Year 2026–2027, inaatasan ang lahat ng schools division offices na ganap na ipatupad ang revised ALS curriculum para sa Basic Literacy at Accreditation and Equivalency programs. Maglalabas naman ng hiwalay na guidelines para sa mas pinalakas na ALS senior high school track.

Para sa DepEd, ang mga kuwento tulad ng kay Mang Eduardo ay hindi na itinuturing na isolated success stories, kundi malinaw na resulta ng isang enhanced policy na idinisenyo upang magbigay ng accessible, flexible, at credible education pathways para sa mga Pilipinong handang bumalik sa pag-aaral sa anumang yugto ng kanilang buhay.