
LUNGSOD NG LAOAG, Ilocos Norte, 23 Enero 2026 — Bilang bahagi ng agenda sa edukasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinangunahan nina Education Secretary Sonny Angara at House Majority Leader Sandro Marcos nitong Biyernes ang sabayang panunumpa ng 789 pampublikong guro sa lalawigan na nakatanggap ng career upgrades sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) system ng Department of Education (DepEd).
Ayon sa DepEd, target ng ahensya na makapaghatid ng hanggang 100,000 career upgrades para sa mga guro sa buong bansa pagsapit ng 2026 sa pamamagitan ng naturang reporma.
Isinagawa ang mass oath-taking kasabay ng paglulunsad ng Programa para sa Buti ng Bayan at Mamamayan: Galing, Akses, Batid at Angat Tungo sa Yaman ng Bayan, o PBBM-GABAY ng Bayan—isang pinagsama-samang hanay ng mga inisyatiba na magkatuwang na ipinatutupad ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa mensahe ng Pangulo na ipinarating sa okasyon, binigyang-diin niya ang papel ng edukasyon sa pambansang kaunlaran.
“Let us build a Bagong Pilipinas where education is a sturdy foundation for stronger families, a more capable workforce, and a more progressive nation,” ayon sa mensahe ni Pangulong Marcos.
Marami sa mga bagong na-upgrade na guro ang matagal nang naghihintay ng pag-angat—ang ilan ay umabot ng ilang dekada—dahil sa kakulangan ng plantilla items at sa sistemang umaasa lamang sa natural vacancies para sa promosyon. Sa kasalukuyan, higit 2,000 pang guro sa Ilocos ang nasa proseso na rin ng career reclassification sa ilalim ng ECP, ayon sa DepEd.
Sinabi ni Angara na isinusulong ng ECP ang kapakanan at propesyonal na pag-unlad ng mga guro, alinsunod sa Magna Carta for Public School Teachers, habang pinahuhusay ang kalidad ng pagtuturo sa pamamagitan ng pagpapanatili ng mga beteranong guro sa silid-aralan.
“Hindi na kailangang umalis sa silid-aralan para umangat. Sa ilalim ng ECP, kinikilala natin ang husay sa pagtuturo at binibigyan ito ng malinaw na landas,” ani Angara.
Dagdag pa niya, layunin ng reporma na kilalanin ang mga gurong matagal nang hinuhubog ang kanilang kakayahan sa loob ng silid-aralan. Kabilang dito si Teacher Lilliane Z. Tarriga ng Filipino East Elementary School, na na-upgrade sa ranggong Teacher IV matapos ang 37 taon ng serbisyo bilang Teacher I.
“Para sa atin ito. Para sa lahat ng guro na nagbuhos ng oras at sakripisyo sa serbisyo. Yung pahayag na walang guro ang magre-retire bilang Teacher I, sabi ni PBBM, iyon talaga ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob. Maraming salamat kay Pangulong Bongbong at kay DepEd Secretary Sonny Angara,” ani Tarriga.
Habang patuloy na isinasabay ng pamahalaan ang mga reporma sa basic, higher, at technical education, itinuturing ng mga opisyal ang seremonya hindi lamang bilang pagtatapos ng mahabang paghihintay ng maraming guro, kundi bilang malinaw na hudyat na ang mga reporma sa edukasyon ay aktuwal nang isinasakatuparan—sa lahat ng antas, ranggo, at rehiyon.

