
LUNGSOD NG MAKATI, 26 Enero 2026 — Nagkaisa ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na pabilisin at palakasin ang mga reporma sa edukasyon—lalo na sa early learning, inclusive education, at literacy recovery—sa ikalawang joint meeting ng Education Trifocal Agencies.
Para masigurong magkakaugnay at tuloy-tuloy ang mga reporma, bumuo ang mga ahensya ng mga Permanent Working Groups (PWGs) na tututok sa pagpapatupad ng mga pangunahing reporma sa susunod na dalawang taon. Pangunahing layunin ng mga grupong ito na gawing mas maayos ang paglipat ng mga mag-aaral—mula early childhood, patungong basic education, at hanggang higher education o technical training.
Pangungunahan ng DepEd ang tatlong PWG na nakatuon sa Early Childhood Care and Development (ECCD), Inclusive Education, at Functional Literacy and Learning Recovery—mga larangang itinuturing na kritikal sa muling pagpapatatag ng sistema ng edukasyon.
Mayroon ding iba pang PWG na bubuo ng mga solusyon para sa senior high school, workforce development, tertiary scholarships, teacher education at professionalization, creative economy, strategic communications, at legislative at policy agenda.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malinaw na ipinapakita ng pagbuo ng mga PWG ang mas matibay na pagkakaisa ng mga ahensya sa edukasyon at ang patuloy na suporta sa mga repormang isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
“Malinaw ang direksiyon natin—palakasin ang pundasyon ng pagkatuto at siguraduhing walang mag-aaral ang naiiwan. Sa ganitong paraan, masisiguro nating tuloy-tuloy ang mga reporma at may malinaw na pananagutan,” ani Angara.
Ang PWG para sa ECCD, na pinamumunuan ni Assistant Secretary Janir Datukan, ay tututok sa pagpapahusay ng mga polisiya sa early childhood education at sa mas maayos na transisyon mula ECCD programs patungong Kindergarten. Palalakasin din nito ang ugnayan ng mga ahensya at local governments upang matugunan ang mababang access sa early childhood education at ang patuloy na suliranin sa malnutrisyon.
Samantala, binigyang-diin ng PWG sa Inclusive Education, na pinangungunahan ni Assistant Secretary Jerome Buenviaje, ang pangangailangan ng mas malapit na pagtutulungan ng mga ahensya upang masigurong lahat ng bata ay nakakapasok at nananatili sa paaralan—lalo na ang mga mag-aaral na may kapansanan, mga katutubong mag-aaral, at iba pang nasa laylayan ng lipunan. Tututok din ang grupo sa pagpapalakas ng learner support systems upang matugunan ang kahirapan, language barriers, at kakulangan sa suporta sa edukasyon.
Para naman sa literacy at learning recovery, binigyang-diin ng PWG na pinamumunuan ni OIC Undersecretary Carmela Oracion ang agarang pangangailangang gawing bahagi ng regular na sistema ng paaralan ang mga programang panghabol sa pagkatuto. Layunin ng grupo na tiyaking sabay na naipapatupad ang remediation at regular na pagtuturo, habang mas pinaiigting ang ugnayan ng assessment at instruction.
Kinilala rin ng mga opisyal mula sa CHED at TESDA ang mga pangunahing hakbang na kanilang isusulong sa susunod na dalawang taon upang tugunan ang mga hamon sa kani-kanilang sektor at mas mapalakas ang ugnayan sa buong education continuum.
Muling pinagtibay nina CHED Commissioner Shirley Agrupis at TESDA Secretary Kiko Benitez ang kanilang pangako sa patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya para maisulong ang mga reporma sa edukasyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
Kasabay ito ng nalalapit na paglalabas ng Final Report ng EDCOM II, na nagtatakda ng 10-Year National Education and Workforce Development Plan. Layunin ng planong ito na unti-unting mapabuti ang kakayahan sa pagbasa at pagkatuto ng mga mag-aaral, iayon ang edukasyon sa pangangailangan ng trabaho, at tiyakin ang tuloy-tuloy at pangmatagalang pag-angat ng sektor ng edukasyon.

