LUNGSOD NG PASAY, 27 January 2026 — Pangungunahan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang susunod na dekada ng reporma sa edukasyon kasunod ng paglulunsad ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na pinamagatang, “Turning Point: A Decade of Necessary Reforms (2026–2035),” habang isinasakatuparan ni Education Secretary Sonny Angara ang paglalatag ng mga kongkretong reporma at aksyon para sa mga paaralan, guro, at mag-aaral.

Sinabi ni Angara na marami sa mga rekomendasyon ng EDCOM 2 ay naisasalamin na sa mga kasalukuyang inisyatiba sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lalo na ang mga nakatuon sa learning recovery, pagpapalakas ng foundational skills ng mag-aaral, at pagsusulong ng system-wide governance reforms.

“Many of the recommendations reflect reforms that DepEd has already started implementing. What we are doing now is moving faster, scaling up, and tightening accountability,” pahayag ni Angara.

Idinagdag niya na ang Final Report ng EDCOM 2 ay dapat ituring bilang isang shared national agenda na nangangailangan ng tuloy-tuloy na pakikipagtulungan ng pamahalaan at lipunan.

“Turning Point is ultimately a nation-building agenda, and its success will depend on collective action,” ani Angara, na nanawagan sa mga mambabatas, lokal na pamahalaan, private secotr, mga magulang, at civil society na patuloy na itaguyod ang mga reporma nang lampas sa mga political cycle.

Ang mga reporma ay nakaangkla nang mas maaga sa learning journey ng bata sa pamamagitan ng mas matatag na ugnayan sa pagitan ng mga ahensya ng edukasyon, kalusugan, at nutrisyon, kasabay ng mas maigting na partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan.

Isinasagawa na ang curriculum harmonization, workforce training, at unified data systems upang palakasin ang paghahatid ng early learning. Susuportahan din ito ng mga palawigang programa sa pagkain at pakikipag-ugnayan sa mga magulang simula sa School Year 2026-2027, lalo na sa mga komunidad na lubhang nangangailangan.

Sa antas ng silid-aralan, ipinatutupad na sa buong bansa ang revised curriculum ng K hanggang 10, na sinuportahan ng large-scale na pagsasanay sa mga guro at mas maagang pagkakahanay ng mga kagamitang panturo. Isinasagawa nang malawakan ang learning recovery sa pamamagitan ng mga diagnostic-driven na interbensyon sa ilalim ng ARAL Program, habang ang mga resulta ng pambansa at pandaigdigang assessment ay ibinubukas sa mga paaralan, lokal na pamahalaan, at mga magulang sa pamamagitan ng Project BUKAS upang suportahan ang napapanahong aksyon sa antas ng paaralan.

Pagsapit ng School Year 2026-2027, inaasahang pauunlarin ng mga reporma sa grading, assessment, at promotion para paigtingin ang mastery-based learning at tiyakin na ang pag-unlad ng mag-aaral ay sumasalamin sa tunay na learning outcomes.

Nananatiling sentro sa reform agenda ang mga guro at pinuno ng paaralan. Binabawasan ang administrative workload sa pamamagitan ng paglalagay ng non-teaching personnel at ang digitization ng mga proseso ng paaralan, habang ang mga sistema ng professional development at career progression ay mas mahigpit nang inihahanay sa instructional competence.

Samantala, pinapalakas ang mga programa ng Senior High School sa pamamagitan ng mas maigting na pakikipag-ugnayan sa industriya, sa TESDA, at sa CHED, habang ang mga reporma sa Alternative Learning System (ALS) ay nagpapabuti sa learner tracking, mga resulta sa literasi, at completion rates.

Upang suportahan ang mga repormang ito, pinaiigting ang paghahatid ng school infrastructure. Kasabay ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, muling binuhay ang public-private partnerships (PPP), na nagbigay-daan sa pag-usad ng malalaking proyekto sa imprastruktura ng paaralan. Nakatakdang magsimula ngayong taon ang mga bidding para sa PPP, kasabay ng inaasahang konstruksiyon sa unang quarter ng 2027, upang matugunan ang kakulangan ng bansa na 165,000 na silid-aralan.

Sinabi ng DepEd na patuloy itong makikipagtulungan sa Kongreso, mga lokal na pamahalaan, at mga development partner upang subaybayan ang pag-unlad sa ilalim ng National Education and Workforce Development Plan, at binibigyang-diin na ang susunod na dekada ng reporma sa edukasyon ay huhusgahan sa pamamagitan ng mas mabilis na pagpapatupad at nakikitang pag-unlad sa mga learning outcomes.