![]() |
LUNGSOD NG SAN JUAN, 28 Enero 2026 — Bilang bahagi ng mas malawak na pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang paghahatid ng mga basic education facilities, hinimok ni Education Secretary Sonny Angara noong Miyerkules ang mga local chief executives na pabilisin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan. Inilahad din niya ang mas malinaw na paghahati ng mga tungkulin ng Department of Education (DepEd) at ng mga lokal na pamahalaan (LGU) upang maibsan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan.
Isinagawa ang dayalogo sa Makabagong San Juan Theater sa San Juan City at dinaluhan ng mahigit 200 alkalde at opisyal ng LGU mula sa League of Cities of the Philippines at iba pang samahan ng LGU.
Ayon kay Angara, kulang ang bansa ng humigit-kumulang 165,000 silid-aralan. Dahil dito, binabago ng DepEd ang paraan ng pagpapatayo ng mga silid-aralan, mula sa dating sistemang nakadepende sa DPWH patungo sa isang modelong mas nagbibigay ng mas malaking papel sa mga LGU at iba pang katuwang upang mas mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyekto.
“Kapag ang LGU ang nasa unahan ng implementasyon, mas mabilis nating naaabot ang mga paaralan na pinakanangangailangan,” ani Angara.
Sa ilalim ng framework na ito, ang mga LGU ang mangunguna sa buong proseso, mula sa pagbili ng mga kailangan hanggang sa mismong konstruksyon, habang sinisiguro ang pagsunod sa mga national laws at DepEd-standard designs at specifications. Pananagutan din ng LGU ang pag-aayos ng anumang depekto sa konstruksyon, kung sakaling hindi masunod ang mga itinakdang pamantayan.
Samantala, tutukoy naman ang DepEd sa mga prayoridad na paaralan at lugar, magbibigay ng mga standard classroom designs at technical specifications, ire-review at aaprubahan ang mga plano at variation orders, magsasagawa ng inspeksyon at beripikasyon, at maglalabas ng pondo ng proyekto nang paunti-unti o tranches. Kapag natapos na ang proyekto, tatanggapin ang mga gusali bilang ari-arian ng DepEd, na may magkatuwang na monitoring at audit upang matiyak ang kalidad at transparency.
Binigyang-diin din ni Angara na maaaring pumili ang mga LGU ng iba’t ibang uri ng solusyon sa infrastructure batay sa pangangailangan ng kanilang lugar. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan, last-mile schools para sa mga liblib at disadvantaged na lugar, pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga na silid-aralan, pag-upa sa mga bakante o hindi nagagamit na gusali, public–private partnerships, at pagtatatag ng learning continuity spaces para sa mga komunidad na apektado ng sakuna.
Upang matiyak ang kahandaan ng mga LGU, naglatag ang DepEd ng malinaw na mga eligibility requirements para sa mga nais lumahok sa programa. Kabilang dito ang pagsusumite ng letter of intent na nagpapakita ng kanilang commitment sa pagpapatupad ng mga proyekto sa silid-aralan, pahintulot mula sa Sangguniang Bayan, Panlungsod, o Panlalawigan upang makapasok sa isang memorandum of agreement sa DepEd, at proof of site ownership o karapatang gamitin ang lupang pagtatayuan ng paaralan, tulad ng titulo, tax declaration, o deed of usufruct.
Kinakailangan din na maipakita ng mga LGU na may maayos silang sistemang pinansyal, sa pamamagitan ng mga certifications tulad ng Certificate of Good Financial Housekeeping o Seal of Good Local Governance, at may karanasan sa pagkumpleto ng kahalintulad na mga infrastructure projects sa loob ng nakaraang lima hanggang sampung taon.
Binigyang-diin ni Angara na ang layunin ng ganitong kaayusan ay “pabilisin ang mga proseso nang hindi isinasakripisyo ang kalidad,” at iginiit na ang paglalabas ng pondo, pag-uulat, at mga inspeksyon ay mananatiling saklaw ng umiiral na mga patakaran sa audit at transparency.


