|
LUNGSOD NG QUEZON, 29 Enero 2026 — Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules ang malaking pagbabago sa Senior High School (SHS) technical-vocational program, mula sa static na kurikulum tungo sa mas dynamic at data-driven na modelo na nakaayon sa aktuwal at kasalukuyang pangangailangan ng industriya. Ito ay kasabay ng pagtitipon ng mga lider mula sa pamahalaan at pribadong sektor sa National Tech-Voc Summit sa Quezon City.
Sinabi ni Assistant Secretary Janir Datukan, na kumatawan kay Secretary Sonny Angara, na ang pagtitipon ay malinaw na hakbang palayo sa tradisyunal at mabagal na pag-update ng kurikulum, patungo sa mas mabilis at mas tumutugong sistema na kayang sumabay sa pagbabago ng ekonomiya.
“Kung gusto nating may tunay na kinabukasan ang mga mag-aaral, kailangang nakabatay ang itinuturo natin sa aktuwal na pangangailangan ng industriya, ngayon at sa hinaharap,” ani Datukan. “Hindi sapat na may trabaho lang—mahalaga kung may pag-angat, may kasanayan, at may disenteng kita.”
Pinagsama-sama ng summit ang mga lider sa edukasyon, mga katuwang mula sa industriya, at mga institusyong nagsasanay upang talakayin ang limang pangunahing paksa: pagpapalawak ng paghahanda sa workforce sa pamamagitan ng Enterprise-Based Education and Training (EBET) Law; pag-angkop ng edukasyon sa global labor trends at future of work; paggamit ng datos mula sa pribadong sektor bilang gabay sa kurikulum at career readiness; pagpapalakas ng industry immersion ng Senior High School; at pagkuha ng mahuhusay na practices mula sa pampubliko at pribadong tech-voc institutions.
Isa sa mga tampok na bahagi ng summit ang plenary session hinggil sa pagpapalawak ng national workforce development sa ilalim ng EBET Law. Dito binigyang-diin kung paano mapapabilis ng aktibong partisipasyon ng mga kumpanya ang pag-update ng kurikulum, mapahusay ang kalidad ng pagsasanay, at mapalawak ang de-kalidad na work immersion para sa mga mag-aaral. Sa mas malalim na pakikilahok ng industriya sa pagdidisenyo at pagpapatupad ng training, inilalagay ng EBET framework ang tech-voc education bilang tuwirang daan patungo sa produktibong trabaho, at hindi lamang bilang alternatibong opsyon.
Pinatibay pa ito ng plenary session tungkol sa data-driven workforce planning, kung saan ibinahagi ng mga lider mula sa pribadong sektor ang mahahalagang senyales mula sa labor market na maaaring magsilbing batayan ng mas mabilis na pag-aayos ng kurikulum, lalo na sa mga sektor na apektado ng automation, digitalization, at pagbabago sa global demand. Ipinakita rin dito kung paano nagiging gabay ang napapanahong datos hindi lamang sa kung anong kasanayan ang ituturo, kundi pati kung saan dapat ituon ang mga pamumuhunan sa pagsasanay.
Binigyang-diin ni DepEd Bureau of Curriculum Development (BCD) Director Peter Marc D. Magsalin ang mahalagang papel ng tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa industriya sa pagpapalakas ng paglipat ng mga mag-aaral mula paaralan patungo sa trabaho.
“We must recognize that industry participation is the only way to strengthen the pipeline of school-to-work transition,” sabi ni Magsalin. “By aligning our sectoral expertise with global labor trends, we ensure our curriculum remains responsive to the future of work.”
Hinimok din niya ang mga partner na maging bukas sa pagtalakay ng mga hamon sa pagpapatupad.
“More importantly, share your challenges,” sabi ni Magsalin. “It is in being honest about our bottlenecks that we find our most innovative solutions. Beyond the data and policies, it is the camaraderie and collaboration formed in this room that will matter most. We are not just colleagues, we are fellow champions and advocates of TVET.”
Ayon sa DepEd, ang mga naging resulta ng summit ay magsisilbing batayan sa patuloy na pag-update ng kurikulum, pagpapahusay ng mga pamantayan sa work immersion, at mas pinalalim na ugnayan sa industriya at mga training institution. Ito ay bilang bahagi ng mas malawak na pagsisikap na ihanay ang basic education sa mga prayoridad ng pambansang workforce.


