|
LUNGSOD NG MAKATI, 30 Enero 2026 — Sinimulan na ng Department of Education (DepEd) ang ganap na pagpapatupad ng mga matagal nang inirerekomendang reporma sa basic education, kasabay ng pagsulong ng mga structural reform na sinusuportahan ng pinakamalaking budget sa kasaysayan ng ahensya, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara.
Ipinatutupad na ng DepEd sa pagsisimula ng fiscal year 2026 ang mga repormang paulit-ulit na naantala sa mga nagdaang taon, matapos itong mapondohan ng P1.3 trilyong pambansang alokasyon para sa sektor ng edukasyon—katumbas ng 4.36% ng gross domestic product at kauna-unahang paglagpas ng Pilipinas sa global benchmark para sa education spending. Tumaas din ng humigit-kumulang 30% ang budget ng DepEd, ang pinakamalaking year-on-year increase para sa edukasyon.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pagpapatuloy ng mga reporma nang tanggapin niya ang EDCOM II Final Report nitong Huwebes.
“We will continue building on the progress that we have made and strengthening our efforts so that all Filipino learners receive the quality education that they deserve and that they rightly expect,” ani Marcos.
Isinulong sa ilalim ni Angara ang ilang matagal nang nakabinbing reporma na unang beses na naisakatuparan, kabilang ang pagpapalawak ng School-Based Feeding Program (SBFP), na tumaas mula P3.3 bilyon noong 2022 tungo sa P25.7 bilyon noong 2026. Nagbigay-daan ito sa kauna-unahang universal feeding coverage para sa lahat ng Kindergarten at Grade 1 learners sa buong bansa, at itinuring ang nutrisyon bilang mahalagang bahagi ng pagkatuto.
Inilipat din ang learning recovery mula sa pansamantalang tugon tungo sa sistematikong interbensyon sa pamamagitan ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, na ipinatupad sa buong bansa noong School Year 2025–2026 na may pokus sa pagbasa. Naitala sa loob ng tatlong buwan ang malinaw na pag-angat sa reading readiness ng mga mag-aaral mula Grades 3 hanggang 10.
Naglaan ang pamahalaan ng P8.93 bilyon para sa ARAL Program sa School Year 2026–2027 upang suportahan ang pagsasanay at kompensasyon ng mahigit 440,000 DepEd at non-DepEd tutors at maabot ang tinatayang 6.7 milyong learners sa pagbasa at math.
Umarangkada rin ang teacher career reform sa pamamagitan ng Expanded Career Progression (ECP) System, isang matagal nang panawagan upang maalis ang promotion backlog at kilalanin ang husay ng mga guro. Na-promote na ang mahigit 16,000 guro, habang nasa proseso pa ang 41,000 aplikasyon. Target ng DepEd na makapag-promote ng humigit-kumulang 100,000 guro ngayong taon, isang makasaysayang hakbang sa career advancement ng mga guro.
Ipinapakita rin ng 2026 budget ang paninindigan ng administrasyon ni Marcos na tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan. Nakalaan sa budget ang pagsisimula ng konstruksyon ng 24,964 classrooms ngayong 2026, habang isinulong ni Angara na pinahihintulutan ang mga local government units at civil society organizations na magsagawa ng classroom construction bilang bahagi ng all-hands-on-deck na estratehiya sa pagpapalakas ng basic education infrastructure. Dumoble rin ang pondo para sa Last Mile Schools Program, mula P1.5 bilyon noong 2022 tungo sa P3 bilyon noong 2026, para sa mga geographically isolated at disadvantaged areas.
Ipinatupad din ng DepEd sa kauna-unahang pagkakataon ang isang 16-taong gulang na executive order sa procurement ng bamboo-made school furniture upang pabilisin ang classroom equipping, pababain ang gastos, at suportahan ang lokal na industriya.
Pinalakas kasabay nito ang school-based access sa serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pinalawak na YAKAP caravans ng DepEd at PhilHealth, na naglalapit ng primary care services sa mga mag-aaral at kawani ng paaralan, lalo na sa mga underserved na komunidad.
Binigyang-diin ni Angara na ang hamon ngayon ay ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng mga reporma. “Ang mahalaga ngayon ay tuloy-tuloy ang pagpapatupad. Hindi na ito plano lamang—nasa silid-aralan na ang reporma, ramdam ng guro, at may malinaw na epekto sa pagkatuto ng bata,” aniya.
Nakaangkla ang mga repormang ito sa mga prayoridad na itinakda sa unang bahagi ng administrasyon ni Pangulong Marcos at umaayon sa EDCOM II Final Report, na naglatag ng lawak ng learning crisis at ng pangangailangan para sa pangmatagalang aksyon lampas sa mga political cycle.


