LUNGSOD NG MAKATI, 2 Pebrero 2026 – Pormal na nakipag-partner ang Department of Education (DepEd) sa Open Ownership upang higit pang palakasin ang transparency, integridad, at risk detection sa public procurement, lalo na sa sektor ng edukasyon na may pinakamalaking pondo at saklaw sa buong bansa.

Nitong Lunes, nilagdaan ang isang memorandum of agreement para maging pilot agency ang DepEd sa paggamit ng beneficial ownership data sa procurement, o ang pagtukoy kung sino talaga ang tunay na may-ari, may kontrol, at nakikinabang sa mga kumpanyang kumukuha ng kontrata sa gobyerno, hindi lang ang mga pangalang nakasaad sa papel.

“Gusto naming malaman kung sino talaga ang nasa likod ng mga kumpanyang katransaksiyon ng gobyerno. Kapag malinaw iyon, mas madaling maiwasan ang problema at mas mabilis na maihatid ang silid-aralan, libro, at tulong na kailangan ng mga bata. Mas siguradong sa paaralan napupunta ang pera, hindi sa bulsa ng iilan,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara.

Dahil sa record budget ngayong 2026, ang DepEd ang may pinakamalaking procurement sa buong gobyerno. Ang mga procurement projects na ito ay direktang nakaaapekto sa mga silidaralan, aklat, gusali ng paaralan, at iba pang suportang kailangan ng mga mag-aaral sa buong bansa. Para sa DepEd, mahalaga ang mas malinaw at mas maayos na risk management upang mas mabilis at mas epektibong makarating ang pondo sa mga paaralan.

Sa ilalim ng kasunduan, magsasagawa ang DepEd at Open Ownership ng retrospective analysis sa mga piling procurement contracts upang makita kung paano makatutulong ang beneficial ownership information sa pagtukoy ng posibleng conflict of interest, mga hindi idinedeklarang kaugnayan ng mga kumpanya, paulit-ulit na panalo ng iisang bidder, at labis na pagkontrol ng iilang kumpanya sa merkado. Susubukan din sa pilot kung aling datos ang pinaka-kapaki-pakinabang, saang bahagi ng procurement ito pinakamahalaga, at paano masusukat ang epekto nito.

Ayon kay Angara, bahagi ito ng patuloy na mga reporma ng DepEd upang mapabuti ang pagpapatupad ng budget at mabawasan ang mga panganib sa procurement, nang sa gayon ay masiguro ang maagap na paghahatid ng mga silid-aralan, learning materials, at serbisyong kailangan ng mga mag-aaral.

Kaakibat din ito ng New Government Procurement Act, na naglatag ng beneficial ownership transparency bilang panangga laban sa katiwalian at sabwatan sa public contracting. Inaatasan ng batas ang mga supplier na ideklara kung sino ang tunay na kumokontrol o nakikinabang sa kanilang kumpanya, at inililipat ang sistema ng procurement mula sa simpleng pagsunod sa mga patakaran patungo sa mas risk-based at evidence-driven na pamamahala.

Ang Open Ownership, isang international organization na tumutulong sa mga gobyerno sa pagpapatupad ng beneficial ownership transparency, ay magbibigay ng technical assistance, capacity-building, at mga analytical tools sa mga opisyal ng DepEd na may hawak ng procurement. Kabilang dito ang mga hands-on workshop at ang sama-samang pagbuo ng framework upang masukat kung paano napapabuti ng beneficial ownership data ang resulta ng procurement.

Binigyang-diin ng DepEd na ang pilot project na ito ay isang hakbang sa pagkatuto at pagpapalakas ng sistema, at hindi isang imbestigasyon o pahayag ng anumang maling gawain. Ang mga resulta nito ay gagamitin bilang batayan sa pagpapahusay ng mga polisiya, internal controls, at procurement processes ng kagawaran.

Isa ang DepEd sa mga unang ahensiya ng gobyerno sa Pilipinas na sistematikong sumusubok sa paggamit ng beneficial ownership data sa public procurement. Isa itong mahalagang hakbang sa pagpapatupad ng mga reporma at sa pagsusulong ng pamamahalang nakabatay sa datos, lalo na’t patuloy na tumatanggap ang sektor ng edukasyon ng isa sa pinakamalalaking bahagi ng pambansang budget.