
PILA, LUNGSOD NG LAGUNA, 9 Pebrero 2025 — Inilunsad nitong Lunes ng Department of Education (DepEd) ang Classroom Leasing Initiative, isang pansamantalang solusyon na binuo kasama ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang agad na mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan habang nagpapatuloy ang pagtatayo ng mga permanenteng silidaralan.
Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang paglulunsad ng programa sa Pila, Laguna. Ito ang unang pagkakataon na pormal na ipinatupad ng DepEd ang classroom leasing bilang bahagi ng national infrastructure strategy sa imprastraktura upang masolusyunan ang kakulangan ng silid-aralan sa mga mataong lugar at upang tugunan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang inuupahang pasilidad ay ginagamit na ngayon bilang annex ng Don Manuel Rivera Memorial Integrated National High School. Dito inilipat ang mga mag-aaral sa Senior High School sa mas malapit na lokasyon, kaya nabawasan ang siksikan sa paaralan at naging mas maayos at komportable ang kanilang pag-aaral.
“Hindi natin isinasantabi ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan. Tuloy-tuloy pa rin ang classroom construction sa buong bansa. Pero habang ginagawa ito, kailangan din nating magisip ng mga praktikal at agarang solusyon gaya ng classroom leasing para hindi na maghintay ang mga bata at guro ng ilang taon bago magkaroon ng maayos na lugar para matuto,” ayon kay Angara.
Binigyang-diin din niya na ang classroom leasing ay katuwang ng mga pangmatagalang programa sa imprastraktura, kabilang ang tradisyunal na pagtatayo ng mga silid-aralan, mga proyektong public-private partnership, at iba pang alternative delivery modalities.
Ayon kay Angara, layon ng programang ito na tugunan ang agarang kakulangan ng silidaralan na nagiging dahilan ng shifting schedules, nababawasan ang oras ng pagtuturo, at napipilitang ipagsiksikan ang limitadong teaching resources, lalo na sa mga lalawigan at lungsod na mabilis ang paglaki ng populasyon.
Isa ang Laguna sa pinaka-congested na lalawigan sa buong bansa kaya napili itong pilot area. Malaki ang bilang ng mga naka-enroll na mag-aaral at limitado ang espasyo para mapalawak ang ilang pampublikong paaralan sa lalawigan.
Sa loob lamang ng ilang buwan, inayos at muling ginamit ng DepEd ang mga inuupahang silid-aralan. Ipinapakita nito na ang mga umiiral ngunit hindi nagagamit na pasilidad, tulad ng mga dating pribadong paaralan na nagsara noong pandemya, ay maaaring mabilis na gawing maayos at magagamit na mga silid-aralan.
Dagdag ng DepEd, mas matipid ang classroom leasing lalo na sa mga lugar na mahirap bumili ng lupa o kung saan kailangan ng agarang solusyon upang hindi mailipat o maabala ang mga mag-aaral habang hinihintay ang mas malalaking proyekto.
Malugod namang tinanggap ng mga lokal na opisyal ng Pila ang inisyatiba, at binigyang-diin na ang pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan ang nagpadali sa pagpili ng lugar, pakikipag-ugnayan sa mga may-ari ng ari-arian, at paghahatid ng mga pangunahing pangangailangan upang agad na mabuksan ang pasilidad.
Sinabi ng DepEd na plano nitong palawakin ang classroom leasing sa iba pang lugar na may mataas na pangangailangan, lalo na kung handang makipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor para sa magkatuwang na solusyon sa siksikan sa silidaralan.
Bahagi ang inisyatibang ito ng mas malawak na programa ng administrasyong Marcos na layong punan ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng mas pinabilis na konstruksyon, pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor, at paggamit ng mga flexible at pansamantalang solusyon upang maprotektahan ang oras ng pagtuturo at mapabuti ang kondisyon ng pagkatuto.


