LUNGSOD NG PASIG — Pinapalakas ng Department of Education (DepEd) ang pakikipagtulungan nito sa mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya upang mas mapabilis ang paggamit ng digital technology na may artificial intelligence (AI) sa basic education. Layunin nito na makatulong ang teknolohiya sa mas epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral at mapagaan ang pang-araw-araw na trabaho ng mga guro.

Bilang bahagi ng inisyatibang ito, aktibong nakilahok ang DepEd sa education leaders, digital policymakers, at development partners sa 3rd Regional Policy Convening of the AI Ready ASEAN Programme noong Lunes sa Pasig City.

Ang pakikilahok ng Pilipinas sa rehiyonal na inisyatiba ay nakasentro sa Project AGAP.AI, ang pangunahing programa ng DepEd para sa paggamit ng AI sa edukasyon. Sa ilalim ng AI Ready ASEAN Program, halos 796,000 Pilipino, kabilang ang mga guro at mag-aaral, ang nakapagtapos na ng pagsasanay sa mga batayang kaalaman sa AI.

“The Philippines does not see the digital race as a solitary journey. We stand ready to walk alongside our ASEAN neighbors—sharing our insights, our resources, and our steadfast commitment,” pahayag ni Angara sa kanyang mensahe. “Together, we can build a digitally empowered region where growth is shared and progress is collective.”

“A future-ready ASEAN cannot be built on guesswork or lofty rhetoric alone. It must be grounded in the lived realities of our people,” dagdag pa niya.

Isinagawa ang pulong sa ilalim ng AI Ready ASEAN initiative ng ASEAN Foundation, na sinusuportahan ng grant mula sa Google.org. Layunin ng rehiyonal na programang ito na palawakin ang AI literacy at isulong ang responsable at etikal na paggamit ng mga umuusbong na teknolohiya sa lahat ng kasaping bansa ng ASEAN.

Para sa mga mag-aaral na Pilipino, inaasahang magdudulot ang pagtutulungang ito ng mas madaling ma-access na digital learning tools, mas maayos na online at blended learning platforms, at paggamit ng datos upang agad matukoy at matugunan ang learning gaps. Layunin ng mga hakbang na ito na gawing mas akma ang pagkatuto sa pangangailangan ng bawat mag-aaral, habang sinisigurong ang paggamit ng teknolohiya ay etikal, inklusibo, at angkop sa kanilang edad.

Para naman sa mga guro, inaasahang makikinabang sila sa magkakatugmang mga policy framework ng ASEAN na nakatuon sa praktikal na suporta sa silid-aralan. Ayon sa mga opisyal ng DepEd, ilalatag ang mga AI-enabled system upang mapadali ang mga gawaing administratibo, mapahusay ang lesson planning sa pamamagitan ng mas matalinong digital resources, at makapagbigay ng napapanahong datos sa progreso ng mga mag-aaral, nang sa gayon ay mas makapaglaan ang mga guro ng oras sa pagtuturo at direktang pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral.

Ipinahayag din ng ASEAN Foundation ang hangaring iangkop ang mga aktibidad ng AI Ready ASEAN sa chairship ng Pilipinas sa ASEAN sa 2026. Layon nitong palakasin ang digitalization sa edukasyon at matiyak na maramdaman ng mga mag-aaral at guro sa iba’t ibang komunidad ang mga benepisyo ng AI.

Patuloy ang DepEd na pinapalakas ang pakikipagtulungan sa mga regional partners upang matiyak na ang paggamit ng AI sa basic education ay susuporta, at hindi papalit, sa papel ng mga guro, habang pinauunlad ang digital skills ng mga mag-aaral na kailangan nila upang magtagumpay sa mabilis na nagbabagong mundo.