LUNGSOD NG MAYNILA, 11 Pebrero 2026 — Buong suporta ang Department of Education (DepEd) nitong Martes sa desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang-priyoridad ang mahahalagang panukala para sa edukasyon at child welfare and protection. Kabilang dito ang mga panukalang batas sa pagpapabilis ng pagtatayo ng mga silid-aralan, laban sa online na seksuwal na pang-aabuso sa mga bata, at sa pagpapalawak ng education assistance.

Ang mga panukalang ito ay kabilang sa 21 priority bills na inaprubahan sa ikatlong Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) full meeting ng ika-20 Kongreso na ginanap sa Malacañan Palace. Target ng mga mambabatas na maipasa ang mga ito bago mag-Hunyo.

Kabilang sa mga binigyang-priyoridad ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act; ang mga panukalang amyenda sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act; at ang mga amyenda sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino at Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Acts.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ipinapakita ng mga prayoridad na panukala ng administrasyon ang isang komprehensibong hakbang upang palawakin ang access sa edukasyon at patibayin ang proteksyon ng mga mag-aaral.

“Malinaw ang direksyon ng Pangulo na palawakin ang access sa dekalidad na edukasyon at tiyaking ligtas ang ating mga bata, sa loob man ng silid-aralan o sa digital na mundo,” ani Angara.

Sa ilalim ng panukalang CAP Act, itatatag ang Classroom-Building Acceleration Program sa ilalim ng DepEd. Papayagan nito ang mga kwalipikadong local government units at civil society organizations na mag-propose at magpatupad ngclassroom construction projects sa mga pampublikong paaralan sa basic education gamit ang national government funds. Layunin nitong mapabilis ang pagtugon sa kakulangan ng mga silid-aralan, kasabay ng iba pang paraang ipinatutupad ng DepEd.

Bago pa man ang panukalang CAP Act, binigyang-priyoridad na ni Sec. Angara ang pagpapalawak ng school building program, kung saan ang mga probisyong nagbibigay ng flexibility sa 2026 General Appropriations Act ang nagsilbing tugon ng administrasyong Marcos sa kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.

Kamakailan ay nakipagtulungan ang DepEd sa lahat ng 82 lalawigan upang palakasin ang mga programa sa pagtatayo ng mga silid-aralan, isang hakbang na lalo pang patatatagin at isasapormal kapag naisabatas ang CAP Act.

Samantala, ibinahagi ni Angara na ang mga panukalang amyenda sa OSAEC at CSAEM laws ay layong tumugon sa mga bagong banta gaya ng paggamit ng artificial intelligence at deepfake technologies, sexual extortion, at iba pang uri ng online na pang-aabuso. Nilalayon din nitong palakasin ang koordinasyon sa mga internet platform, payment service providers, at mga ahensiyang nagpapatupad ng batas.

Dagdag pa ni Angara, kaakibat ng mga panukalang ito ang mga kasalukuyang inisyatiba ng DepEd para maiwasan at tugunan ang pang-aabuso, karahasan, at pagsasamantala sa mga mag-aaral. Kabilang dito ang pormal na pagtatatag ng Learner Rights and Protection Desks sa mga paaralan, ang pagpapatakbo ng Learners TeleSafe Contact Center Helpline para sa pag-uulat ng pang-aabuso, at ang pagpapatupad ng mga capacity-building program na nakapagsanay na ng daan-daang learner rights and protection specialists sa buong bansa.

Ayon sa Kalihim ng Edukasyon, pinupunan ng mga priyoridad na panukala ang mga kasalukuyang programa ng Kagawaran tulad ng pinabilis na pagtatayo ng mga silid-aralan, pagpapatibay ng learner rights and protection mechanisms sa mga paaralan, at nationwide awareness campaigns sa online safety.

Pinag-uugnay ng LEDAC ang ehekutibo, sa pangunguna ni Pangulong Marcos, at ang lehislatura, sa pamumuno nina Senate President Tito Sotto at House Speaker Bojie Dy III, upang pagtugmain ang mga prayoridad at mapabilis ang pagpasa ng mahahalagang panukalang batas.