
MALACAÑANG, Manila, 11 February 2026 — Pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at mga local government units (LGUs), na kinakatawan ng nasa lagpas 90% ng probinsya sa bansa, upang pabilisin ang classroom construction at tugunan ang patuloy na kakulangan ng mga silid-aralan.
“By giving LGUs greater role in the implementation, we streamline the process, we reduce delays, and we move faster in building schools that our children need,” ani Pangulong Marcos.
Nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara at ng mga provincial leaders ang makasaysayang kasunduan sa Malacañang, na pormal na nagtatakda ng malinaw na mga papel ng DepEd at LGUs sa paghahatid ng school infrastructure at nagmamarka ng mas organisado at sabayang pagkilos laban sa classroom backlog.
“Today, these signatures mark the end of working in silos. They mark the beginning of shared responsibility,” ani Angara. “Ang kasunduang ito ang malinaw naming pangako na wala nang classroom na maaantala dahil sa pag-aalinlangan, at wala nang edukasyong mapuputol dahil sa kakulangan ng ugnayan.”
Ang mga gobernador na lumagda sa MOA ay kumakatawan sa mga pangunahing samahan ng local governments, kabilang ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na pinamumunuan ni Quirino Province Gov. Dax Cua, at ang League of Provinces of the Philippines (LPP) sa pamumuno ni South Cotabato Gov. Jun Tamayo.
Sa ilalim ng MOA, ang LGUs ang mangunguna sa construction, replacement, rehabilitation, at improvement ng mga classroom sa kanilang nasasakupan, kabilang ang procurement, supervision ng contractors, at araw-araw na implementasyon ng proyekto, alinsunod sa national procurement at building regulations.
Ang DepEd naman ang tutukoy sa priority schools, magbibigay ng standard classroom designs at technical specifications, at magsasagawa ng oversight sa pamamagitan ng pag-review ng mga plano, pag-validate ng natapos na proyekto, at pagtiyak na nasusunod ang national standards sa kaligtasan, accessibility, at kalidad.
Itinatakda rin ng kasunduan ang malinaw na shared responsibilities sa funding at long-term maintenance, kasama ang mahigpit na monitoring, reporting, at transparency requirements upang masiguro ang tamang paggamit ng pondo at napapanahong pagkumpleto ng mga proyekto.
Binigyang-diin ni Angara na ang partnership ay kaagapay ng umiiral na national school building programs at magpapabilis sa delivery ng classrooms sa pamamagitan ng mas maayos na pagtutugma ng national standards at local implementation capacity.
Ikinatuwa naman ng mga provincial leaders ang mas malinaw na hati ng responsibilidad sa ilalim ng MOA, na ayon sa kanila ay makababawas sa delays na dulot ng coordination gaps at overlapping mandates.
Inaatasan din ng kasunduan ang regular na pagsusumite ng financial at physical accomplishment reports, paggamit ng key performance indicators, at public disclosure measures upang palakasin ang accountability sa buong implementation period.
Ayon kay Angara, ang DepEd–LGU partnership ay nagpapakita ng iisang layunin ng pambansa at lokal na pamahalaan na makapagbigay ng accessible, maayos, at dekalidad na learning environments para sa mga mag-aaral sa buong bansa, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na gawing pangunahing prayoridad ang edukasyon.


