MAYNILA, 12 Pebrero 2026 — Nagpahayag ng buong suporta ang mga gobernador at guro sa pinalawak na pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) sa mga local government unit (LGU) upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, kasunod ng paglalaan ng Php9.6 bilyon para sa first tranche ng classroom building program sa ilalim ng 2026 pambansang badyet.

“Mga kababayan, naniniwala ako na kapag nagtutulungan ang pambansang pamahalaan at ang lokal na pamahalaan, mas malinaw, mas mabilis, at mas ramdam ng mamamayan ang resulta, lalong-lalo na sa edukasyon,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na ceremonial signing sa Malacañang noong Miyerkules.

“And that is why, I have pledged that for the remainder of this Administration, we will prioritize – first priority will be education,” diin pa niya.

Sa Php9.6 bilyong nakalaan para sa unang tranche, Php4.1 bilyon ang itinabi para sa mga pamahalaang panlalawigan para sa pagtatayo ng humigit-kumulang 1,200 silid-aralan.

Bukod dito, bibili rin ang DepEd ng nasa 2,800 prefabricated classrooms na nagkakahalaga ng mahigit Php5 bilyon. Bahagi ito ng unang yugto ng programa na maghahatid ng kabuuang 4,000 bagong silid-aralan sa buong bansa upang mapabuti ang araw-araw na karanasan sa pagkatuto at pagtuturo, ayon sa Pangulo.

Sinabi naman ni Education Secretary Sonny Angara na ang hakbang na ito ay pagsasabatas ng matagal nang plano na palakasin ang papel ng mga LGU sa pagpapatayo ng imprastruktura ng mga paaralan, sa tulong ng Kongreso.

“Mr. President, ito talaga ’yong matagal ninyo nang pina-plano at sinasabi na dapat gawin natin. Being a former governor yourself, alam ninyo ang kapasidad ng ating mga local chief executives,” ani Angara. “Kasama na po natin, kasangga na po natin ang ating mga provincial governors on this historic day.”

Inilarawan ni Quirino Gov. Dax Cua, national president ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), ang inisyatiba bilang isang mahalagang hakbang tungo sa mas matatag at mas maayos na edukasyon para sa kabataan.

Samantala, tiniyak ni South Cotabato Gov. Reynaldo “Jun” Tamayo Jr., pangulo ng League of Provinces of the Philippines (LPP), ang buong suporta ng mga LGU sa programa.

“When national and local governments work together, real progress happens—especially for our learners,” saad ni Tamayo sa kanyang pahayag.

Nagpahayag din ng suporta ang mga guro, na nagsabing malaking tulong ang maayos na pasilidad sa kalidad ng pagtuturo at pagkatuto.

“Napakahalaga po ng isang maayos at conducive na learning environment sa pagkatuto ng mga bata. Dito sa Bicol, lubos po ang aming pasasalamat sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan, sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara, na maghanap ng mga solusyon upang matugunan ang classroom shortage sa bansa,” ani Teacher Marlet D. Bongat ng Tabaco, Albay.

“Mahirap po sa mga bata at mga guro ang kulang na pasilidad. Talagang naaapektuhan ang pagtuturo at pagkatuto. Kaya magandang balita po para sa amin na may mga bagong paraan sa pagtatayo ng classroom na isinusulong ni Secretary Angara,” ayon naman kay Teacher Kisyzl N. Uy ng South Cotabato.

Layunin ng pinalakas na ugnayan ng DepEd at mga LGU na mas mapakinabangan ang pondo, mapabilis ang konstruksyon, at matiyak na mas maraming mag-aaral sa buong bansa ang magkakaroon ng ligtas at maayos na mga silid-aralan.