LUNGSOD NG MAKATI, 13 Pebrero 2025 —Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang mga reporma sa school calendar, kabilang ang panukalang paglipat sa trimester system, bilang bahagi ng holistic na approach upang matiyak ang wastong distribusyon ng oras na sumasaklaw sa academic, co-curricular, at extracurricular activities.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng panukala na magkaroon ng mas mahahaba at mas flexible na panahon ng pagtuturo, mabawasan ang trabaho ng mga guro, at mapataas ang kalidad ng pagtuturo sa pamamagitan ng mas maayos na pag-aayos ng school year.

“Itinutulak natin ito upang magkaroon ng mas mahahabang, tuloy-tuloy na panahon ng pagkatuto, mas maayos na pacing ng mga aralin, at mas mababang administrative burden para sa ating mga guro. Sa ganitong paraan, napapangalagaan natin ang kalidad ng edukasyon,” ani Angara. Ito ay batay sa mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).

Sa ilalim ng trimester system, hahatiin ang school year sa tatlong academic terms na may mas mahahabang panahon para sa pagtuturo at enrichment activities. Layunin nitong matiyak ang tuloy-tuloy na pagtalakay ng mga aralin nang hindi madalas naaantala.

Sa panukalang school calendar para sa School Year 2026–2027, ang 201 school days ay hahatiin sa tatlong termino. Bawat termino ay magkakaroon ng mas mahahaba, tuloy-tuloy na araw ng pagtuturo upang mas maayos ang pacing ng mga aralin. Magkakaroon din ng nakatakdang breaks sa pagitan ng mga termino upang mabigyan ng oras ang mga guro para sa lesson planning, pagsusuri ng outputs, at iba pang professional tasks na makatutulong sa mas epektibong pagtuturo.

Batay sa proposed calendar framework, magsisimula ang klase sa unang bahagi ng Hunyo. Ang unang trimester ay tatakbo mula Hunyo hanggang Setyembre. Ang ikalawang trimester ay mula Setyembre hanggang Disyembre, habang ang ikatlong trimester ay mula Enero hanggang huling bahagi ng Marso, upang makumpleto ang 201 school days.

Sa bawat termino, magkakaroon ng instructional block (54–61 araw) na nakatuon sa dekalidad at tuloy-tuloy na pagtuturo at pagkatuto, na may kaunting pagkaantala mula sa mga non-academic activities. Mayroon ding enrichment block na ilalaan para sa remediation at enrichment, pagko-compute ng grades, paghahanda at pag-check ng school forms, at wellness break, bukod sa iba pa. Para lamang sa unang termino, magkakaroon ng opening block para sa mga gawain sa pagbubukas ng school year.

Pag-integrate ng mga pagdiriwang sa mga aralin

Isinusulong din ng reporma ang tinatawag na “low-disruption alternatives,” kung saan ang mga itinakdang pagdiriwang at observances ay isasama na lamang sa mga aralin sa halip na magsagawa ng hiwalay na programa na nakakaantala sa klase.

Ipinapakita ng datos ng DepEd na ang kasalukuyang school calendar ay nagdudulot ng maiksing oras ng pagtuturo dahil kailangang pagbigyan ng mga paaralan ang maraming mandatory observances, reporting requirements, at administrative tasks. Dahil dito, napuputol ang daloy ng mga aralin at nadadagdagan ang trabaho ng mga guro, na minsan ay napipilitang unahin ang compliance kaysa sa tuloy-tuloy na pagtuturo.

Halimbawa, maaaring isama ang mga pambansa at kultural na pagdiriwang sa mga reading materials, writing exercises, talakayan sa Science, at project-based learning. Sa ganitong paraan, natututo ang mga mag-aaral tungkol sa mahahalagang paksa habang nagpapatuloy ang regular na klase. Maaari ring magsagawa ng mas maiikling reflection activities sa loob ng klase, thematic discussions, o curriculum-linked projects sa halip na whole-day events na nagsususpinde ng academic instruction.

Inaasahang maglalabas ang DepEd ng pormal na policy guidelines tungkol sa trimester calendar matapos ang konsultasyon sa mga guro, school leaders, at iba pang education stakeholders.