
LUNGSOD NG MAKATI, 13 February 2026 — Nagkaloob ang Department of Education (DepEd) ng hanggang limang araw na wellness leave kada taon para sa mga teaching at non-teaching personnel nito, bilang bahagi ng hakbang upang suportahan ang kanilang mental health at pangkalahatang kapakanan sa gitna ng tumataas na pangangailangan sa sektor ng edukasyon.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang polisiya ay konkretong pagpapakita ng pangako ng departamento na pangalagaan ang kapakanan ng mga kawani nito sa lahat ng antas ng organisasyon, alinsunod din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kapakanan ng mga empleyado at isulong ang mental health sa buong pampublikong sektor.
“Ito ay handog natin sa bawat kawani ng DepEd—mula sa central office hanggang sa mga rehiyon, division offices, paaralan, at community learning centers, at anuman ang kanilang employment status. Kinikilala natin na ang kanilang kalusugan, lalo na ang mental health, ay mahalaga sa patuloy nilang paglilingkod sa ating mga mag-aaral,” ani Angara.
Sa ilalim ng guidelines na nakaayon sa Civil Service Commission (CSC) Memorandum Circular No. 01, s. 2026, ang wellness leave ay sumasaklaw sa lahat ng kwalipikadong opisyal at empleyado ng DepEd, kabilang ang mga nasa permanent, temporary, casual, contractual, coterminous, substitute, at provisional positions, pati ang Contract of Service at Job Order personnel na direktang kinontrata ng departamento.
Ang wellness leave ay hiwalay sa umiiral na vacation at sick leave benefits at maaaring gamitin para sa mental health care, physical wellness activities, o simpleng pahinga upang makabawi ng lakas mula sa trabaho.
Maaaring gamitin ng personnel ang leave nang tuloy-tuloy hanggang tatlong araw sa isang pagkakataon, o hiwa-hiwalay sa loob ng taon, depende sa kanilang pangangailangan at alinsunod sa approval procedures.
Upang maprotektahan ang privacy ng mga empleyado, ang anumang mental health-related information na ilalahad sa application process ay ituturing na confidential at hahawakan alinsunod sa Data Privacy Act of 2012.
Ang aplikasyon para sa wellness leave ay kailangang isumite nang hindi bababa sa limang araw bago ito gamitin, maliban sa emergency situations. Hindi rin ito maaaring maipon o ma-convert sa cash kung hindi magagamit sa loob ng taon.
Sinabi ni Angara na ang inisyatibong ito ay nakaayon sa pambansang polisiya na nagtataguyod ng workplace mental health at layuning palakasin ang resilience ng mga empleyado habang tinitiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng dekalidad na edukasyon.
“Kapag inaalagaan natin ang ating mga guro at kawani, mas nagiging matibay ang ating mga paaralan,” aniya. “Ito ay pamumuhunan hindi lamang sa ating workforce, kundi sa kinabukasan ng ating mga mag-aaral.”


