
LUNGSOD NG MAKATI, 16 Pebrero 2026 — INIHAYAG ni Education Secretary Sonny Angara na lubusan ang pagkalinga ngayon sa lahat ng pampublikong guro sa bansa, lalo na ang mga benepisyong tinatanggap mula sa pamahalaan.
Ayon kay sec. angara, ito ay bahagi na din ng direktiba ni Pangulong R. Marcos Jr. na unahin ang kapakanan ng mga public school teachers na bahagi ng pagpapabuti sa sistema ng edukasyon sa bansa.
“Malinaw ang utos ng Pangulong Marcos na unahin ang kapakanan ng ating mga guro. Tinitiyak natin na may sapat silang benepisyo, malinaw na landas sa kanilang karera, at mas maayos na kalagayan sa trabaho,” ani Angara.
Sa ilalim ng mga reporma, itinaas ang taunang medical allowance ng mga guro mula Php500 tungo sa Php7,000. Itinaas din ang teaching allowance mula Php3,500 tungo sa Php10,000 upang makatulong sa kanilang gastusin sa kalusugan at mga gamit sa pagtuturo, na dati ay madalas nilang sinasagot mula sa sariling bulsa.
Ipinatupad din ng DepEd ang Expanded Career Progression (ECP) system na nagbibigay-daan sa mga guro na ma-promote at tumaas ang sahod batay sa kanilang husay at performance, nang hindi kinakailangang umalis sa pagtuturo. Sa kasalukuyan, 16,423 guro na ang na-promote sa ilalim ng sistemang ito, habang mahigit 40,000 karagdagang posisyon ang hinihintay pa ang pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa nakaraan, madalas na kinakailangang lumipat ng mga guro sa mga posisyong administratibo upang magkaroon ng mas mataas na sahod. Sa ilalim ng bagong sistema, maaari na silang umangat sa kanilang propesyon habang patuloy na nagtuturo sa silid-aralan.
Binawasan din ng DepEd ang mga papeles na kailangang tapusin ng mga guro ng mahigit kalahati, mula 174 tungo sa 75 na lamang na school forms at reports. Dahil dito, mas magkakaroon ng oras ang mga guro upang maghanda ng aralin at matulungan ang kanilang mga mag-aaral.
Upang lalo pang mabawasan ang kanilang trabaho sa labas ng pagtuturo, lumikha ang DepEd ng mga bagong posisyong administratibo at support staff na tututok sa mga gawaing tulad ng dokumentasyon at koordinasyon.
Mas malinaw na rin ngayon ang kompensasyon para sa karagdagang trabaho ng mga guro. Dati, walang malinaw na sistema at pondo para sa overload at overtime pay. Sa ilalim ng bagong polisiya, maaari na silang makatanggap ng overtime pay o hanggang 30 vacation service credits bawat taon, mula sa dating 15 araw.
Samantala, ang mga gurong nakatalaga sa mahihirap at malalayong lugar ay makatatanggap na ngayon ng tiyak na hardship allowance na katumbas ng 25 porsiyento ng kanilang sahod. Dati, ang allowance na ito ay nasa pagitan lamang ng 15 porsiyento hanggang 25 porsiyento at walang iisang batayan ng pagpapatupad.
Nagpatupad din ang DepEd ng flexible work arrangements tuwing may emergency at mga inclusive hiring policy upang matiyak ang pantay na oportunidad sa lahat ng kwalipikadong aplikante.
Para naman sa mga guro sa pribadong paaralan, isinulong din ni Angara ang pagtaas ng Teacher Salary Subsidy (TSS) mula Php18,000 tungo sa Php24,000.
Ayon kay Angara, bahagi ang mga repormang ito ng mas malawak na layunin ng administrasyong Marcos na ibalik ang suporta at pagpapahalaga sa mga guro.
“Kapag inaalagaan natin ang ating mga guro, mas napapangalagaan din natin ang kinabukasan ng ating mga mag-aaral. Ito ang direksyon na tinatahak natin sa Bagong Pilipinas,” ani Angara.


