LUNGSOD NG MAKATI, 18 Pebrero 2026 — HINILING ni Education Secretary Sonny Angara ang tulong ng pribadong sektor partikular ng mga negosyante na tumulong sa malaking kakulangan ng silid aralan at maging ang digital access.

Sa kaniyang talupati sa forum ng Philippine Business for Education (PBEd) sa Makati City, binigyang diin ni Sec. Angara na kailangang agad maresolba ang kakulangan na 165,000 ng silid aralan na siyang nagbunsod ng krisis sa edukasyon.

Kinilala ni Sec. Angara ang maaring kontribusyon ng pribadong sektor upang makatawid sa kasalukuyang krisis sa edukasyon na bunsod ng pagkaantala ng mga imprastraktura at limitasyon sa digital access sa milyong mga mag aaral sa bansa.

Sinabi ng kalihim na isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang malakihang public-private partnerships (PPP) upang pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan at mapabuti ang imprastraktura ng mga paaralan.

Inaasahang makapagtatayo ang mga partnership na ito ng hanggang 106,000 silid-aralan sa mga susunod na taon bilang bahagi ng mas malawak na estratehiya upang matugunan ang kakulangan sa buong bansa.

“PPP is the bridge between urgency and execution,” ani Angara. “We invite the private sector not as donors, but as co-architects of national development.”

Ipinaliwanag niya na ang tradisyunal na procurement ng pamahalaan para sa mga silid-aralan ay maaaring tumagal ng dalawa hanggang pitong taon, habang ang PPP arrangements ay maaaring magpaikli ng delivery timelines sa isa hanggang dalawang taon sa pamamagitan ng mas streamlined na approvals at consolidated procurement processes.

Nakakuha na ang DepEd ng approval para sa pagtatayo ng unang 16,000 silid-aralan sa ilalim ng pinakabagong yugto ng PPP program nito, na nakatuon sa mga lugar na may pinakamatinding kakulangan.

Upang humanap ng solusyon sa pagpapabilis ng classroom at school building construction, bumisita rin ni Angara, kasama si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, ang isang planta ng concrete prefabricated at modular structures sa Mariveles, Bataan nitong Martes.

Ininspeksiyon nila ang four-storey design building na gawa sa shell-type at full modular structures, pati ang isang sample classroom na kayang mag-accommodate ng mahigit 50 students. Dahil full modular ang disenyo, mas mabilis at mas madali ang installation nito kumpara sa tradisyonal na paraan ng pagtatayo ng mga gusali ng paaralan.

Bukod sa pisikal na imprastraktura, sinabi ni Angara na isinusulong din ng kagawaran ang nationwide digital transformation upang mabigyan ang mga paaralan ng connectivity, devices, at modern education technology. Sa pamamagitan ng PSIP Connect initiative, layunin ng DepEd na magtatag ng nationwide digital backbone na susuporta sa teaching, learning, at school management systems.

“We are embedding technology into the core of our system to ensure that Filipino learners are prepared for the future,” aniya.

Binanggit din niya ang partnership ng DepEd sa Khan Academy, na sumusuporta na ngayon sa mahigit 2,800 pampublikong paaralan sa buong bansa. Nakatulong ang programang ito na mapabuti ang performance ng mga mag-aaral sa mathematics at mabawasan ang oras na ginugugol ng mga guro sa lesson preparation, na nagpapakita ng potensyal ng digital tools upang mapalakas ang learning outcomes.

Binigyang-diin ni Angara na mahalaga ang partisipasyon ng pribadong sektor upang magdala ng technical expertise, innovation, at mas mahusay na implementasyon ng mga proyekto.

“Education has always been a shared responsibility. But today, it must also be a shared investment,” aniya. “This is a nation-building strategy.”

Kabilang sa mga dumalo sa forum ang mga kinatawan mula sa mga pangunahing business at professional organizations, kabilang ang PBEd, Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, Philippine Constructors Association, Financial Executives Institute of the Philippines, at Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc.