LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan, 19 Pebrero 2026 — Pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang halos 2,000 bagong na-promote na mga guro at school leaders sa Central Luzon, kasabay ng pinaigting na pagpapatupad ng pamahalaan sa career progression program na naglalayong palawakin ang oportunidad sa promosyon sa sektor ng edukasyon.

“Today, as you take your oath, you reaffirm the belief that every Filipino child deserves a fair shot at a brighter tomorrow. Bawat lesson plan na ginawa ninyo, bawat karanasan sa silid-aralan na nililikha ninyo, bawat mabuting asal na itinuturo ninyo, doon unti-unting nabubuo ang kumpiyansa at pangarap ng ating mga estudyante,” ani President Marcos.

Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang panunumpa ng 1,991 promoted at reclassified personnel mula sa Bulacan at Pampanga sa City of San Jose del Monte Sports Complex. Kabilang dito ang mga gurong umangat mula Teacher II hanggang Teacher VII, Master Teacher I hanggang III, at mga punong-guro mula Principal I hanggang Principal IV.

Bahagi ang seremonya ng nationwide implementation ng Republic Act No. 12288 o Career Progression for Public School Teachers and School Leaders Act na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong 2025. Itinatag ng batas ang isang structured, competency-based system kung saan maaaring umangat ang mga guro sa pamamagitan ng classroom teaching track o school leadership track, na may magkatumbas na sahod at benepisyo.

“Sa pagpapabilis at pagpapalawak ng promosyon, mas napapalakas natin ang hanay ng mga guro na siyang susi sa mas dekalidad na edukasyon para sa bawat batang Pilipino,” ani Secretary Angara. “Malinaw na pagsasabuhay ito ng prayoridad ng Pangulo na palakasin ang ating sistema ng edukasyon sa pamamagitan ng mas matibay na suporta sa ating mga guro.”

Isa ang Bulacan at Pampanga cluster sa may pinakamalaking bilang ng mga bagong na-promote nitong mga nakaraang buwan. Naitala sa Bulacan ang 408 na na-promote, sinundan ng Pampanga na may 368, Mabalacat City na may 301, Angeles City na may 238, at Lungsod ng San Fernando na may 233. Kabilang din ang Meycauayan City na may 128, San Jose del Monte City na may 145, Malolos City na may 90, at Baliwag na may 80.

Sa buong bansa, mahigit 16,000 guro na ang na-promote sa ilalim ng pinalawak na career progression system, habang nasa 40,000 pang aplikasyon ang kasalukuyang sinusuri.

Sa ilalim ng pagpapatupad ng Department of Education (DepEd), pinalawak ang career ranks tulad ng Teacher IV hanggang VII at Master Teacher V. Layunin nitong solusyunan ang matagal nang problema sa kakulangan ng promosyon at mabigyan ng tamang pagkilala ang kanilang husay, karanasan, at mga taon ng serbisyo.

Ayon kay Angara, layunin ng repormang ito na palakasin ang morale ng mga guro, hikayatin ang mga beteranong educator na manatili sa silid-aralan, at higit pang pagbutihin ang kalidad ng pagtuturo sa mga pampublikong paaralan.

Ang panunumpa sa Central Luzon ay kasunod ng mga katulad na seremonya sa ibang rehiyon. Noong Enero, 789 guro sa Ilocos Region ang nanumpa sa mas mataas na posisyon, habang 2,915 naman sa National Capital Region ang na-promote o na-reclassify sa ilalim ng parehong programa at sa regular na promotion channels.

Kasabay nito, tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng DepEd ng programang YAKAP, isang malawak na inisyatiba na nakatuon sa kapakanan ng mga guro, kawani, at mag-aaral. Kabilang dito ang mas pinalawak at mas madaling access sa mga serbisyong pangkalusugan sa pakikipagtulungan sa PhilHealth.

Bumisita sina Pangulong Marcos at Secretary Angara sa Minuya Elementary School sa Bulacan upang personal na masaksihan ang pagpapatupad ng YAKAP. Doon, nakipagkita at nakipag-usap sila sa mga guro at kawani, at muling iginiit ang pangako ng pamahalaan na suportahan ang mga educator, hindi lamang sa promosyon sa trabaho, kundi pati sa kanilang kalusugan at pangkalahatang kapakanan.