
LUNGSOD NG MAYNILA, 20 Pebrero 2026 — Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) ang kahalagahan ng mas matibay na pagkakahanay ng mga institusyong pang-edukasyon, training providers, mga katuwang sa industriya, at mga ahensya ng pamahalaan sa paglahok ng Pilipinas sa ika-16 na ASEAN Qualifications Reference Framework Committee (AQRFC) Meeting.
Iginiit ng DepEd na ang paghubog ng isang workforce na handa sa hinaharap ay nangangailangan ng iisang balangkas na nagdurugtong sa basic education, technicalvocational education and training (TVET), higher education, at empleyo, upang maging mas maayos ang paglipat ng mga mag-aaral mula paaralan patungo sa trabaho.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na ang pagpapalakas ng pagkakahanay ng iba’t ibang sektor ay mahalaga sa paghahanda ng mga mag-aaral sa patuloy na nagbabagong pangangailangan ng workforce.
“Our biggest asset is our people. Under President Marcos Jr.’s leadership, we are envisioning a more creative and innovative Filipino learner, which will be a significant boost to the industry,” ani Angara.
Makikita ang iisang direksyong ito sa patuloy na pag-update ng Philippine Qualifications Framework (PQF), na naglalayong maglatag ng mas malinaw na landas para sa mga magaaral at tiyaking kinikilala at pinahahalagahan sa iba’t ibang sektor ang mga kasanayang natutunan sa paaralan at pagsasanay.
Ang updated PQF ay may walong antas na nakaayon sa ASEAN Qualifications Reference Framework, na may malinaw na mga landas sa pagitan ng technical-vocational at higher education. Ang Senior High School ay nakapaloob na sa Level 3, habang ang microcredentials ay pormal nang isinama upang suportahan ang lifelong learning at mabigyan ang mga mag-aaral ng mas flexible na pagkakataon na mapalawak ang kanilang kasanayan sa paglipas ng panahon.
Binigyang-diin din ng DepEd ang pangangailangan ng mas matibay na koordinasyon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Commission on Higher Education (CHED), at Department of Labor and Employment (DOLE) upang matugunan ang matagal nang agwat sa pagitan ng edukasyon at aktwal na pangangailangan sa trabaho.
Muling pinagtibay ng Kagawaran ang suporta nito sa pagkakaroon ng unified labor market information system at pagpapalawak ng enterprise-based training at industry-led upskilling programs.
Layunin ng mga hakbang na ito na mas masuportahan ang mga mag-aaral sa kabuuan ng kanilang edukasyon at pagsasanay, at mas maihanda sila sa pagpasok sa technicalvocational programs at, sa huli, sa workforce.
Ang ASEAN meeting ay isinagawa rin kasunod ng pormal na pagsusumite ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) Final Report at ng National Education and Workforce Development Plan (NatPlan) 2026–2035 kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na lalong nagpapatibay sa whole-of-system approach ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng edukasyon at workforce.
Inaasahang lalo pang magpapatibay sa pagkakahanay ng edukasyon, pagsasanay, at empleyo ang revised PQF at ang mga isinusulong na reporma sa lehislatura, kabilang ang panukalang Lifelong Learning Development Framework Act of 2025, pinalawak na pagkilala sa prior learning, at pinalakas na distance education policies.
Binigyang-diin ni Angara na bagama’t mas malinaw na ngayon ang direksyon, kinakailangan ang tuloy-tuloy na koordinasyon at sama-samang pananagutan ng mga institusyon upang matiyak ang matagumpay na implementasyon.
“We already see alignment under President Marcos’ leadership. The challenge now is execution—staying the course, aligning budgets and incentives, and holding ourselves jointly accountable for learning outcomes,” ani Angara


