
LUNGSOD NG MAYNILA, 23 Pebrero 2026 — Nakiisa ang city governments sa buong bansa sa Department of Education (DepEd) at sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang sama-samang hakbang upang pabilisin ang pagpapatayo ng mga silid-aralan. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pormal na nagkaisa ang mga lungsod sa isang iisa at koordinadong plano upang tugunan ang kakulangan ng mga classroom sa bansa.
Lumagda ang city mayors mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa isang memorandum of agreement (MOA) kasama ang DepEd sa Malacañan Palace nitong Lunes. Sa kasunduang ito, nangako ang mga lungsod na pabilisin ang pag-apruba ng mga permit, tukuyin kung aling mga paaralan ang dapat unahin, at tumulong sa pagpapatayo ng ligtas at makabagong mga silid-aralan sa kanilang lugar.
Nagpasalamat si Pangulong Marcos Jr. sa mga lokal na pamahalaan ng lungsod sa pagtugon sa panawagan na sama-samang resolbahin ang kakulangan sa mga silid-aralan.
“Tiyakin nating hindi maaantala ang mga proyekto. Tiyakin nating de-kalidad ang mga silid-aralan. Tiyakin natin na ang bawat sentimo na pinaghirapan ng ating mga kababayan ay gagamitin sa tama,” ani Pangulong Marcos.
Ang kasunduang ito ay pagpapatuloy ng naunang partnership sa provincial governments at bahagi ng mas malawak na national strategy upang matugunan ang tinatayang 165,000 kakulangan sa mga silid-aralan sa buong bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, na nagsulong ng probisyon para sa mas flexible na pagpapatayo ng mga silid-aralan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, makatutulong ang pakikipagtulungang ito upang mas mapabilis ang paghahatid ng mga classroom sa pamamagitan ng mas malapit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan na higit na nakaaalam sa pangangailangan ng kanilang mga paaralan.
“Malaking hakbang ito upang mas mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan. Alam ng ating mga lungsod kung saan pinakakailangan ang mga classroom, at sa pagtutulungan natin, mas mabibigyan natin ng ligtas at maayos na lugar ang ating mga mag-aaral at guro,” ani Angara.
Itinuturing ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang edukasyon. Para sa 2026, naglaan ang pamahalaan ng kabuuang P85 bilyon para sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga pasilidad ng basic education.
Sinusuri rin ng DepEd ang iba pang mga paraan, gaya ng public-private partnerships at leasing arrangements, upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyekto at mapabuti ang kalagayan ng pagkatuto sa mga paaralan.
Hinihikayat din ang mga LGU na magtayo ng Learning Continuity Spaces (LCS) upang matiyak na tuloy-tuloy ang klase habang may ginagawang mga silid-aralan at sa panahon ng emergencies o sakuna.
Dagdag ni Angara, sa pamamagitan ng nationwide partnership na ito, nabibigyan ng kapangyarihan ang mga lungsod na direktang kumilos upang makatulong sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, mabawasan ang siksikan sa mga paaralan, at matiyak na may mas maayos at angkop na espasyo para sa pagtuturo at pagkatuto.
Nasaksihan ng mga guro at mag-aaral ang paglagda ng kasunduan. Sila ang direktang makikinabang sa mas mabilis na pagpapatayo ng mga silid-aralan at sa mas maayos at komportableng mga lugar para sa pag-aaral.


