LUNGSOD NG MAKATI, 24 Pebrero 2026 – Nanawagan si Education Secretary Sonny Angara ngayong Martes para sa mas malakas na pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor, at binigyang-diin ang sosyo-ekonomikong epekto ng mga proyekto upang mapabilis ang mga kritikal na reporma sa edukasyon.

Sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Editors and Economic Opinion Leaders Forum 2026 na ginanap sa Fairmont Hotel sa Makati City, itinampok ni Secretary Angara ang mahalagang papel ng Public-Private Partnerships (PPPs) sa paggamit ng pribadong pamumuhunan at kadalubhasaan upang matugunan ang mga kakulangan sa imprastraktura at pag-aaral.

“This administration has clearly set very clear signals that they want to work in the private sector and that they need the private sector. And I think another change that President Marcos has initiated is that we want human development and human infrastructure at the core of the PPPs, not just physical development, not just building structures,” ani Secretary Angara.

Sa kabuuang halagang Php105.7 bilyon sa PPP, nakatakdang magpatayo ang DepEd ng mahigit 16,000 bagong silid-aralan sa mga lugar na may pinakamalaking pangangailangan sa buong bansa sa pamamagitan ng PPP for School Infrastructure Program III (PSIP III). Bahagi ito ng pagtutulak ng administrasyong Marcos na gawing mas moderno ang imprastruktura ng mga paaralan at matugunan ang mga kakulangan sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

Sa ilalim ng Build-Lease-and-Transfer (BLT) modality, ang mga pribadong katuwang ang magpopondo at magtatayo ng mga silid-aralan, na titiyak sa maagap na pagkumpleto ng mga ito at maayos na pagpapanatili sa buong concession period. Isasagawa ang pagbabayad sa pamamagitan ng availability payments na magmumula sa taunang badyet ng DepEd.

Upang higit pang mapabilis ang implementasyon, inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Presidential Directive PBBM-2025-1355 noong Enero 21, 2025, na nag-aatas sa DepEd, Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), at PPP Center na maglatag ng isang Green Lane para sa education PPPs. Sa pamamagitan nito, napaikli ang mga proseso ng pag-apruba, bidding, at pagsusuri nang humigit-kumulang dalawang buwan sa bawat yugto ng proyekto.

“Ang kagandahan kasi sa PPP, bulto bulto na yung build niya, hundreds if not thousands. You need a big type of solution to solve a big problem,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Angara na dapat tignan hindi lamang kung napatupad sa tamang oras at badyet ang mga proyekto ng PPP, ngunit kung ang mga proyekto ay lumikha din ng mga trabaho, bumuo ng mga kasanayan, napaghusay ang sistema, at naangat ang kalidad ng buhay.

“PPP success should be measured not just by project delivery but by the socio-economic impact that ensures true long-term value,” pahayag ni Secretary Angara.

Ang ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum 2026 ay nagsilbing kick-off para sa mga inisyatiba sa negosyo at pamumuhunan sa ilalim ng ASEAN Chairship ng Pilipinas.

Pinagsama-sama ng forum ang mga editor, economic opinion leaders, policymakers, at business leaders para iayon ang mga prayoridad sa kalakalan at pamumuhunan ng Pilipinas sa Priority Economic Deliverables ng bansa para sa ASEAN 2026.

Ang forum ay inorganisa ng ASEAN Philippines 2026 Committee on Business and Investment Promotion (CBIP) sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI).