
LUNGSOD NG VALENZUELA, 25 Pebrero 2026 — Personal na namahagi ng hot meals si Education Secretary Sonny Angara sa mga mag-aaral ng Malinta Elementary School nitong Miyerkules bilang bahagi ng School-Based Feeding Program (SBFP) at pinangunahan ang turnover ng mga donasyong ICT equipment sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng DepEd sa IT & Business Process Association of the Philippines (IBPAP) at mga miyembro nitong kumpanya.
Kasama si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, nagpakita ng matibay na pagtutulungan ang aktibidad upang maihatid ang parehong sapat na nutrisyon at mas malawak na akses sa teknolohiya para sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.
Nag-donate ang Shearwater Health Advisors Inc., Ascendion Digital Solutions Philippines Inc., at Ernst & Young Global Services (Philippines), Inc. ng 378 ICT devices sa DepEd, na bahagi ng 2,119 ICT units na naipagkaloob sa ngayon sa pamamagitan ng IBPAP upang isulong ang digital transformation sa mga pampublikong paaralan.
Binigyang-diin ni Angara na ang reporma sa edukasyon ay nangangailangan ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor.
“Hindi ito simpleng donasyon o simpleng feeding activity. Ito ay patunay na kapag nagsama-sama ang pamahalaan, lokal na pamahalaan, at pribadong sektor, mas mabilis nating naibibigay ang teknolohiya at nutrisyon na kailangan ng ating mga mag-aaral,” ani Angara.
Sa Malinta Elementary School, 737 mag-aaral ang benepisyaryo ng SBFP na ipinatutupad sa ilalim ng kombinasyong modality sa pakikipagtulungan ng Schools Division Office ng Valenzuela at ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela. Sa bilang na ito, 473 ang tumatanggap ng mainit na pagkain mula sa centralized kitchen ng lungsod, habang 264 naman ang binibigyan ng Nutritious Food Products (NFPs).
Sa buong dibisyon, umaabot sa 14,269 mag-aaral ang saklaw ng programa, kabilang ang mga nasa ilalim ng Universal Kindergarten Feeding Program at mga severely wasted at wasted na mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6.
Bumisita rin ang Kalihim sa bagong tayong computer laboratory ng Malinta Elementary School at nakipag-ugnayan sa mga guro at mag-aaral habang isinasagawa ang feeding activity.
Dinalaw din niya ang bagong tayong annex facility ng Valenzuela Special Education Center, kung saan nakipag-ugnayan siya sa mga mag-aaral at guro bilang pagpapatibay sa patuloy na pagsuporta ng DepEd sa inklusibong edukasyon at sa pagpapabuti ng mga pasilidad sa tulong ng matatag na suporta ng lokal na pamahalaan.
Bahagi ang pagbisitang ito ng mas malawak na hakbang ng DepEd upang palakasin ang digital infrastructure kasabay ng pagtutok sa kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral bilang mahalagang pundasyon ng isang mas inklusibo at handa-sa-hinaharap na sistema ng batayang edukasyon.


