LUNGSOD NG MAKATI, 25 Pebrero 2026 – Mula sa simpleng pagtulong, naging isang adbokasiyang nakapagpabago ng buhay ang school-based feeding program ni Teacher Jeric Maribao. Itinatag niya ito sa kanyang paaralan para matulungan ang mga batang nagugutom matapos ang pandemya. Sa ngayon, daan-daan na ang natutulungan nito.

Noong 2022, sinimulan niya ang programa kasama ang 20 mag-aaral. Ngayon, araw-araw na siyang nagbibigay ng pagkain sa learners mula Kindergarten hanggang Grade 6 sa Bag-ong Anonang Diut Elementary School sa Bonifacio, Misamis Occidental.

Ginamit ni Teacher Jeric ang social media para mapalawak ang kanyang programa. Sa tulong ng kanyang followers, philanthropists, at mga partner na brand, bukod sa pagkain ay nagbibigay na rin sila ng school supplies, uniporme, scholarship, at tulong pangkabuhayan sa mga pamilya ng kanyang mga estudyante.

“I always pray to God for good health and long life because I want to sustain the biggest advocacy of my life, and that is my feeding program,” aniya. “This advocacy, we are proud to tell you, is able to feed learners in Kindergarten to Grade 6 every day.”

Hindi lang nutrisyon ang naibibigay ng programa. Nahihikayat din ni Teacher Jeric ang mga bata na pumasok araw-araw.  “My children are so motivated to go to school. Even if they get sick, they go to school kasi alam nila na ang eskwelahan ay mayroong medicines to offer,” paliwanag niya.

Bukod sa pagkain, nagbibigay rin siya ng kumpletong school supplies at uniporme. Binibigyan niya ang mga batang may mataas na grades ng mga manok, biik, at grocery items para makatulong sa kabuhayan ng kanilang pamilya.

Para kay Teacher Jeric, mahalaga ang feeding program para mas makapag-focus ang mga bata sa klase. Naniniwala siya na mahirap mag-aral kapag gutom.

“I usually wake up as early as 1:00 a.m. and prepare up to 5:00 a.m. just to serve them breakfast,” saad ni Teacher Jeric. “My feeding program is a form of motivation in order for them to learn. I believe that in every feeding, there is learning.”

Kinilala ng Department of Education (DepEd) ang kanyang dedikasyon. Kamakailan, ginawaran nila si Teacher Jeric bilang isang DepEd Hero, isang parangal para sa mga gurong nagpapakita ng sipag, malasakit, at magandang serbisyo.

“Through the DepEd Heroes program, we aim to formally recognize the courage, the dedication, and the exemplary service of teachers and education partners. Your inspiring stories are amplified, your achievements honored and known nationwide,” saad ni Secretary Sonny Angara.

Para kay Teacher Jeric, ang pinakamalaking reward ay ang makita ang tagumpay ng kanyang mga estudyante. Tumaas ang attendance, gumanda ang kanilang performance sa klase, at mas ganado silang pumasok araw-araw.

“My service to the Filipino children will always be the biggest fulfillment of my life,” ani Teacher Jeric.