
LUNGSOD NG MAYNILA, 26 Pebrero 2026 — Pinuri ng Department of Education (DepEd) ang paglulunsad ng National Artificial Intelligence Center for Research and Innovation (NAICRI), sa pangunguna ng Department of Science and Technology (DOST), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang long-term AI ecosystem ng bansa at tiyakin ang responsableng integrasyon ng artificial intelligence sa basic education.
Bilang mahalagang hakbang sa pagpapatupad ng National Artificial Intelligence Strategy for the Philippines (NAIS-PH), magsisilbing institutional platform ang NAICRI para sa pagpapalawak ng AI research, shared computing infrastructure, at innovation translation sa mga prayoridad na sektor.
Para sa DepEd, makatutulong ang pagtatatag ng NAICRI sa patuloy na reporma sa workforce development, digital infrastructure, at responsible governance ng Kagawaran.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng DepEd na ihanda ang mga mag-aaral sa hinaharap, habang tinitiyak na ito ay ginagamit sa ligtas, patas, at responsableng paraan.
“Education must be both protected and future-ready,” ani Secretary Angara. “We will harness AI to close learning gaps, strengthen governance, and empower teachers—but always with safeguards, transparency, and human oversight.”
Bago pa man ang paglulunsad ng NAICRI, isinusulong na ng DepEd ang AI integration sa ilalim ng tatlong pangunahing pillars: AI in Education, Education on AI, at AI for Education Systems, na nakatuon sa learner protection at human-centered innovation.
Kabilang sa mga pangunahing AI-driven initiatives ng Kagawaran ang:
- Project TALINO – Isang digital mapping system na nagbibigay ng real-time insights sa pangangailangan ng mga paaralan at nagpapalakas ng data-informed planning at private sector engagement.
- Project DUNONG – Automation ng National Qualifying Examination for School Heads upang mapabuti ang efficiency at accuracy sa pagpili ng mga school leader.
- Project SALIKSEEK – Isang generative AI-powered quick-response tool na nagbibigay-daan sa mga kawani ng DepEd na makakuha ng structured education data sa loob lamang ng ilang segundo.
Upang matiyak ang malinaw na guardrails, naglabas ang DepEd ng Foundational Guidelines on the Integration of Artificial Intelligence in Basic Education, na nagtatakda ng national framework para sa ethical, inclusive, at risk-proportionate na paggamit ng AI sa mga paaralan.
Ipinapatupad ng polisiya ang risk-based classification system na nakaayon sa global standards, at tahasang ipinagbabawal ang high-risk uses tulad ng social scoring, manipulative chatbots para sa minors, at biometric emotion recognition.
Inaatasan din nito ang pagsasagawa ng Privacy Impact Assessments (PIAs), pagtatatag ng DepEd AI Registry, at mahigpit na pagsunod sa data privacy at child protection laws bago ang anumang AI deployment.
Sa paglulunsad ng NAICRI bilang institutional AI hub ng Pilipinas, muling pinagtibay ng DepEd na ang basic education ay may mahalagang papel sa paghubog ng isang AI-ready generation—mga critical thinkers, ethical users, at future innovators.


