LUNGSOD NG MAKATI, 26 Pebrero 2026 – Para kay Teacher Kristine Crisseda “KC” Mangareng, Teacher I sa Longos National High School sa Malabon City, hindi lang nangyayari sa loob ng classroom ang pagkatuto. Para sa kanya, ang edukasyon ay may kasamang malasakit, serbisyo, at pagtulong sa kapwa.

Halos walong taon na ang nakalipas, noong Mayo 2, 2018—kaarawan sana ng kanyang yumaong ina—niyaya ni Teacher KC ang kanyang mga Grade 9 students na sumama sa isang simpleng gift-giving activity sa National Children’s Hospital. Isang taon bago nito, pumanaw ang kanyang ina dahil sa Stage 4 stomach cancer, at noon ay dumaraan siya sa matinding kalungkutan.

“Akala ko noon one-time event lang ‘yun,” kuwento niya. “May isang batang nagtanong sa akin, sabi niya, ‘Ma’am, kailan po tayo babalik?’ And that question changed my life.”

Mula roon nabuo ang Project Ulayaw: Above and Beyond, na ngayon ay isang kinikilalang non-government organization na nagbibigay ng emotional support, access sa edukasyon, at pag-asa sa mga batang may pinagdadaanang mabibigat na sitwasyon.

Unang tinutukan ng grupo ang mga batang may cancer sa National Children’s Hospital. Nagdadala ang volunteers ng hygiene kits, school supplies, at mga laruan. Pero higit sa mga gamit, ibinibigay nila ang kanilang oras at presensya.

“Healing is not only medical,” ani Teacher KC. “It is emotional. It is human.”

Habang tumatagal, nakita nila ang iba pang pangangailangan ng mga bata sa ospital, kaya lumawak ang Project Ulayaw at nagkaroon ng apat na pangunahing programa.

Ang Brave Art, na nagsimula noong 2020, ay tumutulong sa mga batang may cancer na maibenta ang kanilang mga painting para makatulong sa gastusin sa chemotherapy.

Noong 2023, inilunsad nila ang HospiEscuela katuwang ang Warriors for Warriors: Your Blood, Their Lives. Habang ang partner group ang nangunguna sa blood drives, tinitiyak ng HospiEscuela na tuloy ang pag-aaral ng mga batang nasa ospital.

May SandigEscuela rin na tumutulong sa edukasyon ng mga batang nasa institutional care, at patuloy ang ugnayan ng Project Ulayaw sa mga magulang ng batang may cerebral palsy at iba pang rare conditions sa Malabon.

Kamakailan, kinilala si Teacher KC bilang isang DepEd Hero dahil sa kanyang dedikasyon at sa malaking epekto ng Project Ulayaw sa mga bata at komunidad.

“I’m not surprised that your students and your members succeed, because when you see people less fortunate than yourselves, you really appreciate life more and you give more. Because you realize that many are not as fortunate or have not been given the same opportunities,” ani Education Secretary Sonny Angara.

“The Department is blessed to have you. Talagang tuwing may programa kaming ganito, nawawala yung pagod namin at sulit ang lahat ng sakripisyo namin dahil alam namin may katulad ninyo sa field,” dagdag pa ni Sec. Angara.

​​Para kay Teacher KC, ang pagkilalang ito ay hindi lang para sa kanya ngunit para sa kanyang mga estudyante, volunteers, at donors na sama-samang nagbibigay-buhay sa misyon ng Project Ulayaw.