LUNGSOD NG TUGUEGARAO, 27 Pebrero 2026 — Muling pinagtibay ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang pangako nito sa data-driven at evidence-based reforms sa ginanap na National Basic Education School Research Congress noong Pebrero 27–28, 2026 sa University of Saint Louis Tuguegarao (USLT).

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang mahalagang papel ng pananaliksik sa paghubog ng mga repormang tumutugon sa pangangailangan at pangmatagalan ang epekto sa edukasyon.

“Ang isang DepEd na nakikinig sa datos ay may kakayahang tukuyin nang malinaw ang mga hamon, unawain ang mga ugat nito, at kumilos tungo sa pangmatagalan at epektibong mga solusyon,” pahayag ni Secretary Angara sa mensaheng inihatid ni DepEd Region II Director Benjamin Paragas.

Binigyang-diin din ng Kalihim na ang mga reporma sa batayang edukasyon ay ginagabayan ng pananaliksik at ebidensya, at nakaangkla sa 5-Point Reform Agenda ng Kagawaran alinsunod sa mandato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“We are accelerating our classroom construction program, with the help of our LGUs and private partners. We are prioritizing and investing in our school-based feeding and early childhood care and development programs. We are revitalizing our curriculum to meet the demands of tomorrow and prepare our students for the future of work. We are making sure that our schools have enough learning resources and that our teachers are provided with the best support they can have,” ani Angara.

“Because, as we understand in research, we can have good results—but only if we act on what evidence consistently tells us.”

Ang Kongreso, na inorganisa ng Center for Basic Education Research ng USLT, ay nagtipon ng mga guro, mananaliksik, at mag-aaral mula sa iba’t ibang panig ng bansa upang magbahagi ng mga pag-aaral na nakaangkla sa United Nations Sustainable Development Goals (SDGs). Kinilala ng DepEd ang kahalagahan ng ganitong mga plataporma sa pagsusulong ng inobasyon at pagpapabuti ng pagpapatupad ng mga programa sa basic education.

Binigyang-diin din ng Kagawaran na ang pagtutulungan ay mahalaga upang matugunan ang mga kakulangan, makapagbahagi ng mga resources, at maipalaganap ang mga epektibong pamamaraan para sa kapakinabangan ng mga mag-aaral at guro.

Sa pagtatapos ng mensahe, hinikayat ni Secretary Angara ang mga mag-aaral at guro na patuloy na palakasin ang kaisipang nakatuon sa pananaliksik sa mga paaralan sa buong bansa.

“Patuloy ninyong hamunin ang nakasanayan, magsilbing ilaw sa inyong mga mag-aaral, at sama-sama nating itaas ang antas ng kalidad at kahusayan sa bawat silid-aralan sa buong kapuluan.”