
LUNGSOD NG MAKATI, 3 Marso 2026 – Alinsunod sa pagsisikap nitong pabilisin ang learning recovery, muling binuhay ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) ang pagsasanay sa pamumuno para sa mga opisyal nito upang palakasin ang kapasidad ng Kagawaran na mapagpatuloy ang mga pangmatagalang reporma.
Pormal na nakipagkasundo nitong Martes ang DepEd sa pamumuno ni Education Secretary Sonny Angara sa Development Academy of the Philippines (DAP) at Asian Institute of Management (AIM) para magsagawa ng mga kursong pamumuno para sa mga educators.
“This program answers a very felt need in the Department to enhance professionalism and empower school leaders to make informed, data-driven decisions,” sinabi ni Secretary Angara.
Sa paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang DAP at AIM, inilunsad ng DepEd, sa pamamagitan ng National Educators Academy of the Philippines (NEAP), ang EdLead 360: Public Education Leadership Lab na inisyatiba upang palakasin ang pamunuan ng mga paaralan at ng Kagawaran sa pagtugon sa learning crisis sa bansa.
Sa ilalim ng MOA, ang DepEd sa pamamagitan ng NEAP ay magpapatupad ng structured at career-aligned leadership programs, alinsunod sa Republic Act No. 11713 o ang Excellence in Teacher Education Act at ang reform agenda ng DepEd.
Ang EdLead 360 ay ginawa batay sa napag-alaman ng EDCOM II at iba pang mga pag-aaral na mahalaga ang pagiging epektibo ng mga pinuno ng paaralan at sistema ng edukasyon para mapagbuti ang mga learning outcome.
“Ayon sa mga ulat na ito, mahalaga sa pag-unlad ng sektor ng edukasyon ang teacher quality at continuous development kaya tututukan at palalakasin natin ito. We are inspired by the leadership of President Bongbong Marcos to really prioritize our people, especially our teachers,” sinabi pa ni Angara.
Makikipagtulungan ang DepEd-NEAP sa DAP–Graduate School of Public and Development Management para buhayin ang Superintendents’ Leadership Program.
Kabilang dito ang isang Executive Course on Leadership and Public Finance Management para sa Schools Division Superintendents at Assistant Superintendents, na nagpapatibay sa system-wide na stratehiya ng DepEd upang bumuo ng mga lider na handang magpatupad ng mga kinakailangang reporma.
Samantala sa pamamagitan ng pakikipagtulungan nito sa AIM, ang DepEd-NEAP ay mag-aalok ng apat na linggong Postgraduate Certificate in Literacy Reform and Education Policy Leadership sa 30 hanggang 35 Division Chiefs at third-level officials.
Nilalayon ng programa na bumuo ng estratehikong pamumuno, mga sistema at pag-iisip sa hinaharap, at pagbubuo ng patakarang nakabatay sa ebidensya, na direktang tumutugon sa mga nakitang literacy gaps.
Ang leadership skills enhancement ay bahagi ng pangkalahatang pagsisikap ng DepEd na isulong ang kapakanan ng mga guro sa pampublikong paaralan, kabilang ang pagtaas ng allowance, pagbawas sa administrative workload, at career advancement sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) system.
Kasama ni Secretary Angara sa paglagda ng MOA sina DepEd Undersecretary for Operations Malcolm Garma, NEAP Director III Michael Joseph Cabauatan, DAP Acting President and CEO Leocadio Sebastian and AIM School of Executive Education & Lifelong Learning Head Leocadio Sebastian.


