
LUNGSOD NG MAYNILA, 4 Marso 2026 – Patuloy ang pagkakaroon ng global competitive advantage ng mga estudyanteng Pilipino matapos pagtibayin ng Department of Education (DepEd) at Ministry of Education ng Republic of Korea ang kasunduan para sa pagtuturo ng wikang Korean sa mga piling pampublikong high school sa bansa.
Opisyal na pinagpatuloy ang kasunduan para sa programa sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan ni Secretary Sonny Angara at ROK Minister of Education Choi Kyo-Jin.
Pormal na iniharap ang nilagdaang kasunduan kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ROK President Lee Jae Myung sa isang seremonya sa Malacañan Palace noong Martes kasabay ng state visit ng huli.
Ang pagtuturo ng wikang Korean ay nasa ilalim ng Special Program in Foreign Language (SPFL) ng DepEd, isang inisyatibong idinisenyo upang ihanda ang mga mag-aaral para sa mga internasyonal na karera gamit ang pag-unawa sa iba’t ibang kultura at kahusayan sa wika.
“By renewing this partnership, we are not just teaching a new language; we are opening doors to global opportunities for our teachers and learners,” ani Secretary Angara.
Sinimulan noong 2009 bilang pilot program, ang SPFL ay nag-aalok na ngayon ng mga wikang Spanish, French, Japanese, German, Chinese at Korea sa mga piling sekondaryang paaralan, sa pakikipagtulungan sa mga dayuhang institusyon.
Itinatag ang SPFL-Korean sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement na nilagdaan noong Hunyo 2017 sa pagitan ng DeEd at ng Embassy ng Republic of Korea.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, ang Korean Cultural Center of the Philippines (KCC) ang nagsilbing opisyal na tagapagbigay ng pagsasanay sa pamamagitan ng mga immersive na cultural experiences, upang itaguyod ang mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa kulturang Korean.
Noong SY 2024-2025, ipinatupad ang SPFL-Korean sa 69 na pampublikong high schools sa 13 rehiyon, kung saan 4,810 mag-aaral ang nasa ilalim ng programa habang 168 na guro ang tumanggap ng pagsasanay sa wika.
Tinitiyak ng bagong MOU ang pagpapatuloy ng programa ngayong nagtapos na ang naunang kasunduan.
Sa muling pinagtibay na kasunduan, nakatuon ito sa pagbuo ng kurikulum; pagpapalakas ng kapasidad ng mga guro; pagbibigay ng mga espesyalista sa wikang Korean at mga kagamitan sa pagtuturo; at patuloy na pagtuturo ng Korean bilang dayuhang wika sa mga piling high schools.
Ang pagpapatibay ng kasunduang ito ay isa na namang mahalagang yugto sa bilateral na relasyon ng Pilipinas at ROK, na nagbibigay-diin sa hangarin ng magkabilang panig para sa inobasyon sa edukasyon at pangkulturang ugnayan.


