DAVAO DE ORO, 05 March 2026 — Itinutulak ni Education Secretary Sonny Angara ang mga mahahalagang reporma sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa private school partners upang mas mapabuti ang pagpapatupad ng voucher program. Inatasan din niya ang Management Committee ng Kagawaran na higit pang paigtingin ang classroom observation system sa ilalim ng Teacher Growth and Performance framework.

Layunin ng mga hakbang na ito na mas mapadali ang paghahatid ng voucher support para sa mga mag-aaral, habang mas napapalakas ang mga sistemang sumusuporta sa pagtuturo ng mga guro sa iba’t ibang paaralan.

“Sa ngayon, nakatutok tayo sa pagpapabuti at pagpapalawig ng implementasyon ng ating voucher programs sa bansa. And it begins with meaningful conversations with our leaders in private education institutions to ensure that our priorities are aligned in implementing the program,” ani Secretary Angara.

Sa pangunguna ni Secretary Angara, nagpulong ang Private Education Assistance Committee (PEAC) sa ika-351 nitong meeting. Dito, tinalakay ng komite at ng mga lider ng pribadong sektor ng edukasyon kung paano mas mapapalakas ang pagtutulungan ng dalawang sektor upang matiyak na mananatiling maayos at walang katiwalian ang implementasyon ng Senior High School Voucher Program.

Binanggit din ng DepEd na sa ilalim ng mga bagong panuntunan para sa Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE), bibigyang prayoridad ang mga mag-aaral mula sa middle-income at low-income na mga pamilya.

Dumalo rin sa pulong sina Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) President Fr. Karel S. San Juan, SJ; PEAC Regional Secretariat XI Regional Program Director Sr. Ma. Marissa R. Viri, RVM; mga school head ng mga paaralang kalahok sa GASTPE sa Davao; at iba pang opisyal at trustee ng mga regional association.

Nagpatawag din si Secretary Angara ng pulong kasama ang mga miyembro ng National Management Committee ng DepEd upang pag-usapan kung paano pa mapapabuti ang classroom teaching observations nang hindi nadaragdagan ang stress ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Bilang tugon dito, kasalukuyang bumubuo ang Kagawaran ng isang polisiya na mas nakatuon sa paglago at performance ng mga guro. Itinatampok sa framework ang apat na pangunahing bahagi—Learner Evidence, Professional Artifacts, Collaboration and Professional Engagement, at Single Classroom Observation—na bawat isa ay may timbang na 25%. Sa ganitong paraan, walang iisang sukatan ang labis na magdidikta sa performance rating ng isang guro.

Layunin din ng panukalang polisiya na mas suportahan ang professional growth ng mga guro, tiyakin ang pagiging patas sa sistema, maayos na mapamahalaan ang kanilang workload, at sa huli ay mas mapabuti ang learning outcomes ng mga mag-aaral.

“Muli, patuloy tayong magsusulong ng mga polisiya at programa para sa ikabubuti ng ating mga kaguruan. President Bongbong Marcos has emphasized time and again the need to protect the welfare of our teachers—and we remain steadfast in carrying out this directive,” ayon kay Secretary Angara.