
DAVAO DE ORO, 06 Marso 2026—Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang Ceremonial Oath-Taking ng 2,649 na mga guro mula sa Davao Region na ginanap sa Nabunturan National Comprehensive High School bilang tanda ng kanilang pag-angat sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) program at isang mahalagang yugto sa kanilang propesyonal na paglalakbay.
“Sa pangunguna ni Pangulong Bongbong Marcos, katuwang ang Kongreso, kinikilala natin ang sakripisyo at walang sawang dedikasyon ng ating mga guro at school heads sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon sa ating bansa—kaya’t prayoridad natin ang pagpapatupad ng Expanded Career Progression sa ating bansa,” ayon kay Secretary Angara.
“We must ensure that the very foundation of education remains strong—and one way to do that is by further reinforcing and empowering the workforce of the basic education system,” dagdag pa niya.
Sa kabuuang 2,649 na napromote, 456 ang mula sa Davao Oriental, 391 mula sa Davao del Norte, 358 mula sa Panabo City, 344 mula sa Davao de Oro, 283 mula sa Island Garden City of Samal (IGACOS), 237 mula sa Mati City, 195 mula sa Digos City, 172 mula sa Davao City, 123 mula sa Davao del Sur, 69 mula sa Tagum City, at 21 mula sa Davao Occidental.
Binigyang-diin ng Department na ang mga oath-taking na ito—kasama na ang mga naunang seremonya—ay bahagi ng mas malawak na layunin ng ahensya na maipromote ang 100,000 guro ngayong fiscal year. Ipinapakita rin nito na ang pagpapalakas sa education workforce system ay isa sa mga pangunahing prayoridad sa ilalim ng Five-Point Reform Agenda.
Kasama ni Secretary Angara at ng mga miyembro ng Executive Committee, dumalo rin sa programa sina Davao de Oro 1st District Representative Marica Carmen Zamora-Mabanglo, Governor Engr. Raul Mabanglo, at 2nd District Representative Leonel Ceniza.
Pagkatapos ng seremonya, pinangunahan din ng Education Chief ang blessing ng bagong Schools Division Office (SDO) Davao de Oro facility—isang hakbang na nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng DepEd na palawakin ang mga oportunidad sa career growth ng mga guro habang pinapabuti rin ang working environment ng mga kawani nito.
Ang bagong gusali ang magsisilbing tahanan ng 7,615 teaching personnel at 739 non-teaching personnel na sama-samang sumusuporta sa 204,682 mag-aaral mula sa 456 na paaralan sa buong probinsya.
“Nagpapasalamat tayo dahil malinaw nating nakikita ang matibay na suporta ng ating mga education champions dito sa Davao Region, at patuloy na nagkakaisa at nagtutulungan ang ating field offices at local government units upang matiyak na mabibigyan ng sapat at makabuluhang suporta ang ating mga guro at mag-aaral,” ani Sec. Angara.


