
LUNGSOD NG MAKATI, 9 Marso 2026 — Para palakasin ang pundasyon ng sistema ng edukasyon sa bansa, opisyal na nilagdaan ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM) nitong Lunes ang isang makasaysayang kasunduan para sa pagtatatag ng mga Teacher Education Excellence Center (TEEC) sa buong bansa.
Ang TEEC ay magsisilbing isang pambansang sentro ng pananaliksik, hub ng inobasyon, at laboratoryo para sa edukasyon ng mga guro.
Layunin nitong iugnay ang mga teorya sa aktuwal na karanasan sa pagtuturo sa pamamagitan ng pagbuo ng mga training model na nakabatay sa ebidensya, pag-modernisa ng kurikulum, at paglalapat ng makabagong teknolohiya sa paghahanda sa mga guro.
Nilagdaan ni Education Secretary at Teacher Education Council (TEC) Chairperson Sonny Angara, kasama si Acting DBM Secretary Rolando Toledo, ang DBM-TEC Joint Memorandum Circular (JMC) No. 1, Series of 2026. Ang hakbang na ito ang pormal na magtitiyak ng suportang piskal para sa nasabing inisyatibo.
Binigyang-diin ni Secretary Angara na bagama’t mahalaga ang mga imprastraktura, ang kalidad ng pagtuturo ang nananatiling sentro ng misyon ng DepEd.
“The establishment of Teacher Education Excellence Centers represents a strategic reform that will strengthen and elevate our teaching workforce across the country,” wika ni Angara.
“Ito ay patunay ng ating sama-samang pagkilos upang iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Sa pangunguna ni President Bongbong Marcos, patuloy nating isusulong ang mga repormang magtitiyak ng mas matibay na pundasyon para sa kinabukasan ng ating mga mag-aaral,” dagdag pa niya.
Susuportahan ng TEEC ang sari-saring grupo ng stakeholders kabilang ang mga pre-service at in-service teachers, mga educator, lider ng mga paaralan, at mga specialized na grupo gaya ng mga child development workers, student tutors, TVET trainers, multigrade teachers, at mga dean ng mga kolehiyo ng edukasyon.
Upang matiyak ang malawakang saklaw sa buong bansa, lumagda ang TEC sa Memorandum of Understanding (MOU) sa bawat isa sa anim na Teacher Education Institutions (TEIs) na magsisilbing mga unang tagapagpatupad ng programa.
Ito ay ang Philippine Normal University-Manila (National Capital Region); University of the Philippines-Los Baños (South Luzon); University of San Carlos (Visayas); Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (Northern Mindanao); Caraga State University (Eastern Mindanao); at Cotabato State University (BARMM).
Ang TEEC ay magsisilbing research arm ng TEC, na may tungkuling bumuo ng mga programang hindi lamang de-kalidad kundi akma sa mga natatanging pangangailangan ng mga silid-aralan sa Pilipinas.
Ang pagtatatag ng TEEC ay bahagi ng pagpapatupad sa mandato ng Republic Act No. 11713 o ang Excellence in Teacher Education Act, na naglalayong itaas ang antas ng edukasyon ng mga guro sa Pilipinas.


