
LUNGSOD NG PASAY, 10 Marso 2026 — Nanawagan si Education Secretary Sonny Angara sa mahigit 1,300 alkalde sa bansa na magkaisa upang tugunan ang krisis sa kakulangan ng silid-aralan, kasabay ng paglalatag ng isang multi-channel roadmap upang mapunan ang 165,000 classroom deficit sa buong Pilipinas.
Binigyang-diin ni Secretary Angara na hindi sapat ang tradisyunal na sistema ng procurement. Dahil dito, idetalye niya ang isang estratehikong plano na idinisenyo para sa mas mabilis, mas flexible, at mas transparent na pagtatayo ng mga paaralan.
“We are no longer content with the old system. We are changing the way we deliver to make it faster, more efficient, more effective, and more transparent,” pahayag ni Angara sa ginanap na League of Municipalities of the Philippines (LMP) General Assembly 2026 noong Lunes.
“Education is a shared responsibility, and our LGUs are the best-positioned partners to ensure these funds are translated into actual, usable classrooms for our learners.”
Sa ilalim ng estratehikong plano ng DepEd, target na mag-deliver ng 30,000 silid-aralan hanggang 2028 sa pamamagitan ng conventional procurement, at 16,000 silid-aralan sa mga high-congestion areas sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) for School Infrastructure Project Phase III (PSIP III).
Ayon kay Angara, tinitignan ng DepEd ang pagpalawak sa voucher system hanggang sa primary education at ang pilot testing ng “4+1” blended learning model (apat na araw na onsite at isang araw na online) upang mabawasan ang pagsisikip sa mga kampus.
Tinitignan din ng DepEd ang pag-upa o pagbili ng mga foreclosed private properties para sa agarang paggamit ng tinatayang 1,000 silid-aralan, at mobilisasyon ng pribadong sektor para sa donasyon ng 2,000 espasyo para sa pag-aaral.
Ibinahagi ni Angara na sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA), binigyan na ang mga LGU ng kapangyarihan bilang mga pangunahing implementer ng mga proyekto sa silid-aralan katuwang ang DPWH at AFP Corps of Engineers. Dahil dito, maaari nang tukuyin ng mga alkalde ang mga partikular na lugar na nangangailangan ng pagkukumpuni o bagong konstruksyon.
Isinusulong din ng Kalihim ang paggamit ng pre-fabricated Learning Continuity Spaces (LCS) bilang isang solusyong nakatitipid sa oras at pondo na na-pilot na sa Masbate at Davao del Norte. Target ng DepEd ang paglalagay ng 2,571 units sa 1,017 munisipalidad ngayong taon.
Hinimok din ng DepEd ang mga munisipalidad na pagsamahin ang kanilang Special Education Funds (SEF) upang mapondohan ang malalaking programa tulad ng mga central kitchen para sa school-based feeding.
“We are not just sharing resources, we are actualizing President Bongbong Marcos Jr.’s vision to modernize our classrooms through the kind of innovative funding that ensures no student is left behind by a lack of local budget,” ani Angara.
Pinangunahan ni Angara ang seremonyal na paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng DepEd at LMP upang pormal na simulan ang mabilis na pagpapatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa.
Nauna nang lumagda ang DepEd ng Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang mga provincial governors at city mayors para ipatupad ang mga espesyal na probisyon ng GAA sa pagtatayo ng mga school building.
Hinikayat ni Angara ang mga mayor na makipag-ugnayan sa mga gobernador ng kanilang probinsiya upang gamitin ang mga bagong flexible na probisyon sa konstruksiyon.


