
LUNGSOD NG MAKATI, 10 Marso 2026 — Pinapahusay ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng Lifelong Learning Development Framework (LLDF) Act o Republic Act 12313 upang mabigyan ng pagkakataon ang bawat Pilipino na patuloy na matuto at umunlad, anuman ang edad o pinagmulan.
Layunin ng batas na kilalanin pati ang mga kasanayang natutunan sa trabaho o community training at maikredit ito sa pormal na edukasyon o sertipikasyon.
Nagsagawa kamakailan ng isang online public consultation ang Philippine Qualifications Framework-National Coordinating Council (PQF-NCC) upang higit na ayusin ang draft ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa LLDF Act.
Ayon kay Education Secretary at PQF- NCC Chair Sonny Angara, mahalaga ang pakikilahok ng iba’t ibang sektor upang matiyak na walang Pilipinong maiiwan sa edukasyon at pag-unlad.
“Our goal is to guarantee that no Filipino is left behind in our rapidly changing world by making quality education a lifelong journey rather than a one-time event,” pahayag ni Secretary Angara.
Ang konsultasyon na ginanap noong Pebrero 27 ay dinaluhan ng iba’t ibang sektor—mula sa mga pinuno ng barangay at lokal na pamahalaan hanggang sa mga katuwang sa industriya at civil society groups.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Oktubre, ang LLDF Act ay nagsisilbing estratehikong polisiya para ang mga oportunidad sa panghabambuhay na pagkatuto ay gagawing institusyonal sa mga lungsod, munisipalidad, barangay, at mga learning provider sa buong bansa.
Layunin ng batas na suportahan ang iba’t ibang pangarap—mula sa mga magsasakang nais makasabay sa bagong teknolohiya, mga stay-at-home na magulang na nais bumalik sa workforce, o mga senior citizen na gustong matuto ng bagong kasanayan—sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta sa loob mismo ng kanilang mga komunidad.
Binigyang-diin ni Dr. Rafaelita M. Aldaba, Strategic Advisor ng PQF-NCC Permanent Secretariat, na ang pambansang polisiyang ito ay dapat hindi lamang nasa batas kung hindi dapat maging praktikal, koordinado, at tumutugon na sistema.
Iminungkahi ng mga stakeholder na ihanay ang mga bagong panuntunan sa mga umiiral na programa gaya ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) at Philippine Credit Transfer System (PCTS).
Ibig sabihin, ang mga kasanayang natutunan sa trabaho o sa mga pagsasanay sa komunidad ay maaaring i-credit para sa mga pormal na degree o sertipikasyon.
Inilahad naman ni Atty. Jhazen Binayan mula sa DepEd Legislative Liaison Office ang pinahusay na draft ng IRR, at binigyang-diin ang pangangailangan para sa inklusibong wika at pagkilala sa magkakaibang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan.
“The implementation of RA 12313 rests heavily on the participation of stakeholders who have taken the time to contribute to this public consultation,” sinabi ni Atty. Binayan.
Tinalakay din ang kahalagahan ng pamilya sa proseso ng pagkatuto, isang konsepto na bahagi na ng bisyon ng framework para sa mga learning cities, municipalities at barangay.
Ayon naman kay Director Maricor Anne DG. Cauton ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), magbibigay ng teknikal na assistance upang matulungan ang mga komunidad na palawakin ang kanilang mga epektibong programa.
Kasalukuyan nang sinusuri ng PQF-NCC Permanent Secretariat at DepEd LLO ang lahat ng mungkahi para sa pinal na IRR, tungo sa isang lipunan kung saan ang pagkatuto ay hindi lamang isang yugto ng buhay kundi panghabambuhay na karapatan ng bawat Pilipino.


