
LUNGSOD NG PASIG, 12 Marso 2026 — Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng mga aklat sa pagpapahusay ng pang-unawa at kasanayan ng mga mag-aaral na Pilipino, sa pormal na pagbubukas niya ng Philippine Book Festival (PBF) 2026 nitong Huwebes.
Ang apat na araw na festival na inorganisa ng National Book Development Board (NBDB) sa SM Megamall Megatrade Hall sa Pasig City ay nagsisilbing pangunahing plataporma ng mga Pilipinong manunulat para sa kanilang mga aklat at malikhaing gawa.
“While we are moving forward toward digital transformation, we remain invested in what continues to matter- encouraging our learners to strengthen their literacy through books,” pahayag ni Angara.
“Books serve as vital bridges connecting our learners to new knowledge and to their identity. Under the vision of President Bongbong Marcos, we continue to expand efforts to help students appreciate the power of books.”
Ayon kay Angara, pinabilis na ng DepEd ang paghahatid ng mga aklat sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng Early Procurement Activities (EPA), na nagresulta sa malaking pag-angat na 289 porsiyento sa mga aprubadong textbook titles sa nakalipas na taon.
Upang mapanatili ang momentum, PhP19.5 bilyon ang inilaan para sa produksyon ng mga aklat ngayong taon upang mas mapalapit sa target ng DepEd na 1:1 textbook-to-learner ratio.
Dagdag pa ni Angara, nakatanggap din ang NBDB ng badyet na PhP206.571 milyon ngayong taon npara suportahan ang mga manunulat at publisher, gayundin ang mga programa para sa pagpapahusay ng literasiya ng mga kabataan.
Ngayong taon, ang PBF na tatakbo hanggang Marso 15 ay maghahatid ng mga interactive creative spaces gaya ng Gubat ng Karunungan para sa mga workshop at masterclass, at Lugar Lagdaan para sa pakikihalubilo sa mga manunulat.
Bilang attached agency ng DepEd, ang NBDB ay itinatag noong 1995 sa bisa ng Book Publishing Industry Development Act o Republic Act No. 804, na pangunahing inakda ng yumaong ama ni Secretary Angara na si Senator Edgardo J. Angara.
Ang NBDB ay nagsisilbing book authority ng bansa bilang sentral na ahensya para sa industriya ng paglalathala. Inilunsad nito ang Philippine Book Festival noong 2023 upang tugunan ang matagal nang agwat sa pamamahagi at pag-access sa mga de-kalidad at abot-kayang aklat na Filipino.


