LUNGSOD NG TALISAY, 13 Marso 2026 — Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara nitong Huwebes ang mass oath-taking ng 418 bagong promoted na mga guro at school head mula sa Talisay City. Bahagi ito ng hakbang ng Department of Education (DepDEd) upang wakasan ang matagal nang problema sa mabagal na pag-unlad ng career sa loob ng ahensya.

Ang seremonya, na idinaos sa Talisay City National High School, ay katuparan ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na alisin ang professional stagnation o pagkaantala ng promosyon na matagal nang kinakaharap ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Ang mass promotion ay bahagi ng Expanded Career Progression (ECP) System ng DepEd, na naglalayong iproseso ang mahigit 100,000 promosyon ng mga guro at school head ngayong taon upang muling pasiglahin ang propesyon ng pagtuturo.

“We are ensuring that our teachers receive the recognition and professional growth they deserve, as this is a cornerstone of the education reform agenda under the administration of President Bongbong Marcos,” pahayag ni Angara.

“The President has been very clear that by supporting our teachers’ career advancement, we are directly investing in the future of our students and the success of the Bagong Pilipinas vision.”

Binigyang-diin ni Angara na nananatiling pangunahing prayoridad ang kapakanan ng mga guro para mapanatili ang mataas na kalidad ng pagtuturo sa mga pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng pamumuno ni Angara, pinadali ng DepEd ang mga proseso sa promosyon. Mula sa dating sistemang nakadepende lamang sa bakanteng posisyon, binigyang-halaga na ngayon ang professional development at mga taon ng tapat na serbisyo.

Matapos ang seremonya, bumisita rin si Angara sa South City Central Elementary School sa Toledo City upang tignan ang bagong tayong Special Education (SPED) school building at mga Special Science programs.

Ang bagong dalawang-palapag na gusali na may apat na silid-aralan ay pinondohan ng lokal na pamahalaan ng Toledo City sa pamamagitan ng Special Education Fund (SEF). Kasalukuyang may 1,900 na mag-aaral sa South City Central Elementary School.

Ang mga hakbang na ito ay nagpapatibay sa pangako ng administrasyon na palakasin ang kakayahan ng mga guro kasabay ng pagsasaayos ng mga pasilidad sa paaralan—na dalawang kapwa mahalaga sa pagpapataas ng kalidad ng pagkatuto ng mga estudyante.