
LUNGSOD NG CEBU, 16 Marso 2026 — Matapos ang maraming taon bilang Teacher 1, na-promote na rin ang 57 beteranong guro mula sa Cebu bago ang kanilang pagreretiro.
Kabilang sila sa 3,325 na mga guro at pinuno ng paaralan mula sa buong lalawigan na nanumpa sa isang mass promotion ceremony sa IEC Convention Center Cebu nitong Lunes, kung saan winakasan na ang ilang dekadang pagkabinbin sa karera.
Dinaluhan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos ang kaganapan, na nagsisilbing tugon sa direktiba ng Pangulo na tapusin na ang “promotion ceiling” o ang limitasyon sa pag-angat sa pwesto na naging dahilan kaya maraming guro ang nagreretiro sa parehong ranggo noong sila ay nagsimula.
Upang solusyunan ito, pinabilis ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng Expanded Career Progression (ECP) system sa ilalim ng Executive Order No. 174 s. 2022. Sa bagong polisiyang ito, ang promosyon ay hindi na nakabase sa kung may bakanteng pwesto, kundi sa mismong husay, kakayahan, at merito ng guro.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara, na siyang nanguna sa panunumpa, na ang pag-angat sa pwesto ng 57 pa-retirong guro ay hindi lamang bilang pasasalamat kundi matagal nang nararapat na pagkilala sa kanilang dedikasyon.
“Following the clear mandate of President Bongbong Marcos to ensure no teacher is left behind, we are ensuring that excellence is rewarded and that no educator is left behind in their professional journey,” sinabi ni Angara. “This ceremony validates our commitment to providing every educator a clear, merit-based path upward, ensuring their professional growth reflects their true value to the nation.”
Ang malawakang promosyon ay sumasaklaw sa lahat ng 44 na bayan sa Cebu, na nagpapalakas ng morale ng kaguruan sa buong lalawigan. Para sa mga malapit nang magretiro, ang pagtaas ng ranggo ay nangangahulugan hindi lamang ng dangal, kundi ng mas malaking retirement benefits na kanilang tatanggapin.
Bukod sa panunumpa, nabigyan din ang mga guro ng mabilisang serbisyo para sa training at pangkalusugan sa pamamagitan ng mga booth ng Technological Education and Skills Development Authority (TESDA) at YAKAP Caravan na itinayo sa labas ng venue.
Bahagi ang nasabing seremonya ng mas malawak na inisyatibo ng DepEd na itaas ang antas ng serbisyo ng 100,000 guro sa loob ng kasalukuyang fiscal year. Layon nitong suportahan ang 5-Point Reform Agenda na naglalayong patatagin ang system ng mga kawani sa edukasyon.
Isinagawa ang seremonya kasunod ang matagumpay na mass promotions sa iba’t ibang panig ng bansa, na pinangunahan ni Pangulong Marcos kasama si Secretary Angara, kabilang ang para sa 789 guro sa Ilocos Region; 2,915 sa National Capital Region; at 1,991 sa Central Luzon.


