
LUNGSOD NG BOGO, 16 Marso 2026 — Sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ipinamahagi ng Department of Education (DepEd) ang mga bagong Learning Continuity Spaces (LCS) sa mga pampublikong paaralan sa Bogo City at Masbate upang tugunan ang kakulangan sa silid-aralan dulot ng mga nakaraang sakuna.
Ininspeksyon ni Pangulong Marcos ang mga prefabricated at modular na learning spaces na may mga solar-powered setup at internet connectivity upang matiyak na hindi maantala ang edukasyon sa mga kalamidad.
Direktang tinutugunan ng inisyatibong ang pagkaantala ng klase ng 90 na mag-aaral sa dalawang elementary schools sa aBogo City matapos ang 6.9-magnitude na lindol, at ng 270 mag-aaral sa anim na pampublikong paaralan sa Masbate na naapektuhan ng Bagyong Opong kapwa noong Setyembre 2025.
Nitong Lunes, pormal na binuksan ng Pangulo ang bagong pasilidad ng LCS sa Marcelo B. Fernan–Polambato Elementary School kasama si First Lady Louise Araneta-Marcos at Education Secretary Sonny Angara.
Kasabay nito, nagsagawa ng YAKAP Caravan sa paaralan para sa 200 benepisyaryo para sa serbisyong pangkalusugan tulad ng consultation, libreng gamot, at laboratory services.
Sa naunang pagbisita sa Masbate, sinuri ni Pangulong Marcos kasama si Secretary Angara ang instalasyon ng LCS sa Paniqui National High School sa Barangay Panique, Aroroy, Masbate.
Naglagay din ng mga LCS na pasilidad sa Calolod Elementary School at Electo T. Verano Elementary School sa nasabing lalawigan. Nagtayo rin ng karagdagang LCS units sa B. Titong High School, Asid Integrated School, at Luy-A Elementary School upang maibalik ang maayos na learning spaces para sa mga mag-aaral.
Ayon kay Angara, ang mga istrukturang ito na kayang itayo sa loob lamang ng dalawang linggo ay sumasalamin sa maagang paghahanda ng administrasyon para sa kaligtasan at pagbangon ng mga paaralan.
“This project reflects the marching orders of President Marcos to ensure that no Filipino learner is left behind, even in the face of the most challenging calamities,” ani Angara. “By integrating solar power and digital tools into these temporary spaces, we are not just rebuilding classrooms, but building a more resilient future for our children.”
Ang inisyatibo ay nagsisilbi ring direktang tugon sa direktiba ng Pangulo na bawasan ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa sa pamamagitan ng pagtatayo ng mabilis at matibay na imprastruktura. Sa ilalim ng 2026 Disaster Preparedness and Response Fund, target ng DepEd ang pagtatayo ng 1,380 unit ng LCS sa buong bansa upang maiwasan ang mga pagkaantala sa tradisyonal na konstruksyon at makapagbigay ng agarang tulong sa mga lugar na high-risk.


