LUNGSOD NG TAGUM, Marso 17, 2026 —Pinangunahan ng Department of Education (DepEd) ang paglulunsad ng mga bagong Learning Continuity Spaces (LCS) sa Davao del Norte Regional Sports Academy, bilang pagpapalawak ng programa matapos ang matagumpay na pagpapatayo ng mga katulad na pasilidad sa Masbate at Bogo City.

Ang proyekto ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking hindi mapuputol ang paghahatid ng de-kalidad na edukasyon sa bansa.

Direktang tinutugunan ng inisyatibong ito ang paulit-ulit na problema ng pagkasira ng mga imprastraktura ng paaralan dahil sa mga kalamidad, gaya ng bagyo at lindol, na nagpapatigil sa pag-aaral ng mga estudyante.

Bilang solusyon, nagtatayo ang DepEd ng mga modular, matibay, at mabilis mabuong unit na magsisilbing pansamantalang silid-aralan habang isinasagawa ang pagkukumpuni sa mga permanenteng gusali.

“We are implementing these Learning Continuity Spaces to ensure that learning continues under any circumstance, as we fulfill the vision of President Bongbong Marcos for a resilient Bagong Pilipinas,” sinabi ni Secretary Sonny Angara. “Through this initiative, the President’s support ensures that education remains a top priority even in the face of adversity.”

Sa Davao del Norte Regional Sports Academy sa Tagum City, ipinakita ng DepEd ang dalawang uri ng istruktura: ang elevated model na may halagang PhP1.75 milyon para sa mga lugar na madalas bahain; at ang slab-on-grade model na may halagang PhP1.5 milyon para naman sa mga matatag na lokasyon.

Ang bawat unit ay climate-resilient at kayang maglaman ng hanggang 45 na mag-aaral. Espesyal itong dinisenyo na may mga storm guard upang mas makayanan ang malalakas na hangin.

Pinondohan ng DepEd ang buong proyekto, habang ang provincial government ng Davao del Norte ang nagbigay ng espasyo sa pamamagitan ng isang usufruct agreement.

Ininspeksyon kamakailan nina Pangulong Marcos at Secretary Angara ang mga bagong modular LCS sa Bogo City at Masbate na idineploy upang tugunan ang kakulangan sa silid- aralan matapos ang mga nagdaang kalamidad sa mga naturang lugar.

Target ng DepEd na makapagtayo ng 1,380 LCS units sa buong bansa sa ilalim ng 2026 Disaster Preparedness and Response Fund. Layon nitong iwasan ang mga antala sa tradisyonal na konstruksyon at magbigay ng agarang tulong sa mga lugar na high-risk.

Bagaman ang mga modular space na ito ay mabilis na solusyon para sa mga paaralang apektado ng sakuna, binigyang-diin ng DepEd na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pangmatagalang programa sa pagtatayo ng mga permanenteng silid-aralan sa buong bansa.