
LUNGSOD NG MAKATI, 18 Marso 2026 — Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nagsagawa kamakailan ang Department of Education (DepEd) ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) at Kalinga Caravan sa Marcelo B. Fernan-Polambato Elementary School sa Bogo City, upang mailapit ang mga pangunahing serbisyong medikal sa mga mag-aaral, guro at komunidad ng paaralan.
Layunin ng nasabing inisyatibo, na pinagsamang proyekto ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at DepEd, na iugnay ang mga paaralan sa lokal na sistemang pangkalusugan upang masiguro ang mabilis na access sa preventive care at mga diagnostic services.
Sa pinakahuling misyon ng YAKAP at Kalinga, tinatayang 200 benepisyaryo ang nakatanggap ng libreng medical consultations at laboratory tests.
Personal ding nasaksihan ng Pangulo, kasama sina First Lady Louise Araneta-Marcos at Secretary Sonny Angara, ang pamamahagi ng mga salamin sa mata at mga mahahalagang gamot.
Bukod sa mga serbisyong medikal, binisita rin ni Pangulong Marcos ang mga bagong disaster-resilient Learning Continuity Spaces (LCS) sa Marcelo B. Fernan-Polambato Elementary School. Bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng administrasyong Marcos upang matiyak ang tuloy-tuloy na edukasyon matapos ang 6.9-magnitude na lindol sa Cebu noong Setyembre.
Nakatakda ring palawakin ang saklaw ng programa sa Bataan, kung saan bibisita ang caravan sa Mariveles National High School-Cabcaben Annex Alasasin upang ihatid ang mga mahahalagang serbisyong pangkalusugan para sa mga mag-aaral at guro.
Sinabi ni Secretary Angara na ang YAKAP at Kalinga caravan ay nagsisilbing pundasyon ng reform agenda ng kagawaran upang unahin ang kapakanan at kalusugan ng mga mag-aaral.
“This project reflects the marching orders of President Marcos to ensure that no Filipino learner is left behind, even in the face of the most challenging health and environmental calamities,” pahayag ni Angara.
Layon ng YAKAP at Kalinga Caravan na gawing available ang preventive care sa loob mismo ng mga kampus upang mabawasan ang mga out-of-pocket expenses ng mga mag-aaral at kawani.
Nauna nang pinangunahan nina Pangulong Marcos at Secretary Angara ang mga katulad na misyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kamakailan sa Minuyan Elementary School sa San Jose del Monte, Bulacan at sa San Francisco High School sa Quezon City, upang matiyak na ang primary healthcare ay makararating sa mga liblib na komunidad ng mga paaralan.
Nananatili ang commitment ng DepEd sa pagpapalawak ng mga caravan na ito sa buong bansa upang gawing institusyonal ang komprehensibong serbisyong pangkalusugan sa mga paaralan.


