LUNGSOD NG MAKATI, 19 Marso 2026 — Inilunsad ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa tatlong pangunahing pampublikong paaralan sa Metro Manila upang alisin ang matitinding hadlang sa pinansyal at burukrasya na kinakaharap ng mga magtatapos na mag-aaral ng Senior High School (SHS).

Ang nasabing one-stop shop ay direktang tugon sa hirap na dinaranas ng mga mag-aaral mula sa SHS Technical-Vocational-Livelihood (TVL) at Alternative Learning System (ALS). Kadalasan, hindi sila nakakakuha ng trabaho dahil sa mahal at masalimuot na proseso ng pagkuha ng mga pre-employment documents.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iakma ang K-12 curriculum sa pangangailangan ng industriya at tanggalin ang mga hadlang sa pagtatrabaho, dinala ng DepEd ang mga serbisyo ng gobyerno sa loob mismo ng mga paaralan.

“We are bringing the government closer to our learners to ensure that their transition from the classroom to the workplace is seamless and cost-free, as envisioned by President Marcos,” sinabi ni Secretary Sonny Angara.

“Through these reforms and partnerships, we are transforming our graduates into highly employable assets who are ready to contribute to our nation’s growth.”

Sa pagtutulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang ahensya, malaking tulong ang inisyatiba para sa mga pamilyang hirap sa buhay, lalo na’t tumataas ang presyo ng petrolyo bunsod ng krisis sa Middle East. Tinatayang makakatipid ang bawat estudyante ng mahigit PhP1,000 sa mga clearance fees at pamasahe.

Libreng ipinagkaloob ang mga mahahalagang dokumento, alinsunod sa First Time Jobseekers Assistance Act, sa Tala National High School sa Caloocan City para sa 488 benepisyaryo; Makati High School sa Barangay Poblacion para sa 290 benepisyaryo; at Mataas na Paaralang Neptali A. Gonzales sa Mandaluyong City para sa 397 benepisyaryo.

Bukod sa mga dokumento, nagkaroon din ng job matching at career guidance upang direktang maiugnay ang mga graduate sa mga bakanteng posisyon mula sa mga kumpanyang katuwang ng programa.

Sa tinatayang 550,000 SHS-TVL students na nakatakdang magtapos sa buong bansa, nananatiling committed ang DepEd na palawakin ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa iba pang rehiyon upang itaguyod ang agenda ni Pangulong Marcos para sa mas mataas na antas ng empleyo sa bansa.