
LUNGSOD NG MAKATI, 20 Marso 2026— Hindi lang diploma kundi trabaho agad ang makukuha ng mahigit 1,700 Senior High School (SHS) graduates sa pagpapatuloy ng nationwide pilot rollout ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) na pinangunahan ng Department of Education (DepEd).
Sa pamamagitan ng nasabing inter-agency initiative, may 241 SHS Technical-Vocational-Livelihood (TVL) graduates at Alternative Learning System (ALS) learners na hired on the spot sa isinagawang fairs sa Sorsogon, Cebu, at Davao del Norte.
Layon ng BPSF na alisin ang mga hadlang na pinansyal at burukrasya na madalas kinakaharap ng mga first-time jobseekers.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang programang ito ay bunga ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na padaliin ang pagpasok ng mga SHS-TVL learners sa labor market.
“This initiative is our way of ensuring our graduates do not just hold a diploma, but also a ticket to immediate employment through a one-stop shop,” sinabi ni Secretary Angara.
May kabuuang bilang na 1,747 registered jobseekers ang nagtungo sa mga venue ng BPSF tulad ng Gallanosa National High School, Casiguran Technical Vocational School, at Bulan National High School sa Sorsogon; Talisay City National High School; at Panabo City Gym.
Nagsilbing one-stop shop ang BPSF para matugunan ang problema sa magastos na pre-employment documents. Alinsunod sa First Time Jobseekers Assistance Act o ang Republic Act 11261, na co-authored ni Secretary Angara sa panahon ng kanyang panunungkulan sa Senado, libreng nakuha ng mga aplikante ang mga requirements tulad ng PSA birth certificate at NBI at police clearance.
Tinatayang nakatipid ang bawat pamilya ng PhP740 hanggang PhP820 sa mga bayarin sa dokumento pa lamang, bukod pa sa natipid sa pamasahe at oras sa pagpila sa iba’t ibang opisina.
May 241 graduates ang agad na tinanggap sa trabaho: 80 sa Sorsogon; 145 sa Talisay; at 16 sa Panabo City.
Ayon sa DepEd, mahigit 50 porsyento ng mga kwalipikadong kandidato ang nabigyan ng posisyon. Pinatunayan nito na mas mabilis ang hiring process kapag ang mga employer at serbisyo ay direktang inilalapit sa mga graduates.
Bukod sa trabaho, naghatid din ang BPSF ng iba pang tulong tulad ng PhilHealth assistance para sa medical certificates at Civil Service exam registration upang masigurong kumpleto ang professional toolkit ng mga SHS graduates bago pa man sila bumaba ng entablado.


