
LUNGSOD SA MAKATI, 24 Marso 2026 – Naglabas ng opisyal na pahayag ang Department of Education (DepEd) nitong Martes upang linawin ang nakatakdang transisyon patungo sa three-term school calendar simula sa School Year 2026-2027. Ayon sa DepEd, ang repormang ito ay isang estratehikong hakbang upang mapakinabangan nang husto ang oras ng pagtuturo at matugunan ang madalas na abala sa mga klase.
Binigyang-diin ng DepEd na ang nasabing polisiya ay bunga ng malawakang konsultasyon sa iba’t ibang antas—mula sa mga guro, lider ng paaralan, mga magulang, mag-aaral, hanggang sa mga kinatawan ng publiko at pribadong sektor ng edukasyon. Isinagawa ang isang sistematikong oryentasyon mula sa Central Office pababa sa mga division level upang masiguro na ang mga feedback ay naisama sa pagbuo ng polisiya.
Ang repormang ito ay tugon sa mga datos na nagpapakita ng hindi pantay na takbo ng pagtuturo dahil sa mga aberya. Batay sa Year One Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), lumabas na noong SY 2023-2024, aabot sa 53 mula sa 180 school days— o katumbas ng halos tatlong buwang pag-aaral— ang nawala dahil sa masamang panahon at iba pang aktibidad na labas sa pagtuturo.
Upang mabawi ang nawalang oras, mayroong mas structured na school year sa ilalim ng bagong three-term school calendar.
Kinabibilangan ito ng maikling Opening Block sa unang term para sa learner profiling at mga administratibong paghahanda; mas mahabang Instructional Blocks na nakalaan lamang para sa tuloy-tuloy na pagtuturo at pag-aaral; at End-of-Term Blocks para sa academic intervention, professional development at sa wellness ng kapwa mga guro at mag-aaral.
Bukod sa kapakanan ng mga mag-aaral, layunin din ng DepEd na protektahan ang welfare ng mga guro sa pamamagitan ng pag-aayos ng kanilang mga administratibong gawain.
Sa ilalim ng bagong sistema, gagawing mas simple ang grading cycles at itatapat ang mga reportorial requirements sa mga itinakdang petsa lamang para mabawasan ang pagpapatong-patong ng trabaho na madalas sanhi ng burnout ng mga guro.
Nilinaw ng DepEd na ang three-term calendar ay bahagi ng mas malawak na programa para ayusin ang batayang edukasyon sa bansa. Kabilang dito ang pinabilis na pagpapatayo ng mga silid-aralan, pagpapalawak ng school-based feeding programs, pagpapaigting ng literacy at learning recovery interventions, at sapat na probisyon ng mga kagamitan sa pag-aaral, at mga patakarang sumusuporta sa pagpapatuloy ng mga klase.
Habang papalapit ang implementasyon sa SY 2026-2027, patuloy na makikinig ang DepEd sa mga feedback, susubaybayan nang mabuti ang inisyal na pagpapatupad, at susuriin ang polisiya batay sa field experience.
Kinikilala ng DepEd ang mga mungkahing hakbang para sa mga paghahanda, kabilang ang pagsasagawa ng pilot testing at calibration ng digital school forms. Ang mga nasabing suhestiyon ay kasalukuyang pinag-aaralan sa ilalim ng operational planning upang matiyak ang maayos na transisyon para sa lahat ng mga stakeholder.
Ayon sa DepEd, layon ng three-term school calendar na suportahan ang mas epektibong paggamit ng oras sa mga paaralan. Sa pamamagitan ng pag-aayos ng school calendar, layunin ng DepEd na tiyakin ang walang patid na pagtuturo at pagkatuto, structured academic support para sa mga mag-aaral, at streamlined na pag-iskedyul ng mga aktibidad at responsibilidad sa paaralan.


