
LUNGSOD NG MAKATI, 23 Marso 2026 – Inatasan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa na panatilihing simple at matipid ang mga seremonya sa pagtatapos ng school year bunsod ng nararanasang sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Sa ilalim ng Memorandum No. 015 series of 2026, binigyang-diin ng DepEd na ang mga graduation at moving-up rites ay dapat idaos nang walang labis na gastusin o mararangyang kasuotan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bawasan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino na kasalukuyang iniinda ang mataas na gastos sa transportasyon at mga pangunahing bilihin.
“We must ensure that this milestone remains a celebration of achievement rather than a financial ordeal for our parents, especially as we navigate the economic impact of rising fuel costs,” pahayag ni Secretary Angara.
“Our schools must prioritize the welfare of learners by keeping these ceremonies simple, meaningful, and entirely free of unnecessary expenses.”
Malinaw ang direktiba ng DepEd na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng paniningil ng bayad para sa naturang mga seremonya. Pinaalalahanan din ang mga school head na ang pakikilahok ng isang mag-aaral sa graduation ay hindi dapat nakadepende sa pagbabayad ng anumang kontribusyon.
Hinihikayat din ang mga paaralan na gamitin ang mga simple at libreng venue gaya ng school grounds o covered courts upang makaiwas sa mahal na renta.
Bukod dito, nilinaw ng DepEd na ang mga non-academic activities, gaya ng field trips at prom nights, ay hindi dapat gawing requirement para sa pagtatapos. Para sa mga pampublikong paaralan, ang lahat ng kailangang gastusin ay dapat kunin mula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) funds ng paaralan.
Sa ilalim ng tema ngayong taon na, “Pilipinong Nagsipagtapos: Handang Mamuno nang May Kakayahan at Mabuting Pagkatao” kinikilala ang holistic education ng mga kabataang hindi lamang bihasa sa akademya kundi handa ring maglingkod sa kanilang komunidad at sa bansa.
Para sa School Year 2025-2026, tinatayang aabot sa 1.9 milyong Grade 6 learners at 1.8 milyong Grade 12 learners ang inaasahang magsisipagtapos sa buong bansa. Nakatakda ang lahat ng graduation at moving-up activities sa darating na Marso 30 o 31, 2026.


