LUNGSOD NG MAKATI, 17 Marso 2026 — Nakatakdang ilunsad ng Department of Education (DepEd) ang kanilang pinakamalawak na School-Based Feeding Program (SBFP) matapos itong mapaglaanan ng makasaysayang PhP25.6 bilyong pondo para sa School Year 2026-2027.

Bilang hudyat ng nationwide scale-up, binisita nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara kamakailan ang Jose Zurbito Sr. Elementary School sa Masbate City upang maghatid ng masustansyang pagkain sa mga mag-aaral.

Pangungunahan din ni Secretary Angara ang pagdadala ng programa ng DepEd sa mas maraming komunidad sa lungsod sa pamamagitan ng isang multi-service school engagement na gaganapin sa Batasan Hills National High School sa Quezon City sa Miyerkules, kung saan tampok ang feeding activities para sa mga mag-aaral.

Kasabay nito, magkakaroon din ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair para sa mga Senior High School graduates, Gulayan sa Paaralan visit, at isang lecture para sa mga mag-aaral tungkol sa energy conservation upang hikayatin ang mas responsable at matipid na paggamit ng enerhiya.

Ang nasabing pondo sa school-feeding ay higit na doble kumpara sa PhP11.8 bilyon noong 2025. Layon nitong maging lifeline para sa record-breaking na 4.63 milyong mag-aaral simula ngayong Hunyo.

Para sa susunod na taon, palalawigin ang bilang ng feeding days sa 200—isang malaking lukso mula sa 120 araw noong 2025 kung saan 3.39 milyong estudyante ang nabenipisyuhan.

Ayon kay Secretary Angara, higit pa sa nutrisyon ang layunin ng programa; layon din nitong ibalik ang dignidad at paunlarin ang potensyal sa pag-aaral ng bawat batang Pilipino.

“We are fulfilling President Bongbong Marcos’ directive to end the cycle of malnutrition in our schools by giving our learners the health to reach their goals,” ani Angara.

Simula itong SY 2026-2027, target ng SBFP ang universal feeding para sa Kindergarten hanggang Grade 1, mga undernourished na nasa Grade 2 hanggang Grade 6, mga buntis na adolescent na mag-aaral, at mga vulnerable at marginalized na mag-aaral na lampas sa Grade 6.

Sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa Masbate, kinumpira ng mga guro na dahil sa consistent na feeding program, kapansin-pansing tumaas ang daily attendance at naging mas aktibo ang mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos, mabilis na lumawak ang programa mula sa 1.67 milyong estudyante noong 2023, patungong 2.11 milyon noong 2024, at 3.39 milyon noong 2025.

Noong 2022, nasa PhP3.3 bilyon lamang ang budget ng programa na tumagal lamang ng 30 feeding days para sa 3.48 milyong mag-aaral.

Lumaki ang pondo ng SBFP na naging PhP5.7 bilyon noong 2023 upang maghatid ng 120 araw ng pagpapakain, at PhP11.7 bilyon noong 2024 para naman sa 175 araw ng pagpapakain.

Sa pagpapalawig ng feeding program sa 200 araw, tinitiyak ng pamahalaan na ang nutrisyon ay bahagi na ng pundasyon ng edukasyon para sa pangmatagalang pagkatuto ng mga kabataan.