
LUNGSOD NG QUEZON, 25 Marso 2026 — Pinalalawak ng Department of Education (DepEd) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa hindi bababa sa dalawang paaralan sa bawat rehiyon sa buong bansa upang matulungan ang mga nagtapos ng Senior High School (SHS) at Alternative Learning System (ALS) na mas madaling makalipat mula sa pag-aaral patungo sa trabaho.
Bahagi ang inisyatibang ito ng Bagong Pilipinas agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong ilapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad at magbukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa kabataang Pilipino.
Isinasagawa ang pagpapalawak na ito matapos maging matagumpay ang unang pagsubok ng programa, kung saan direktang napag-uugnay ang mga mag-aaral sa mga employer at sabay na naaasikaso ang kanilang mga kailangang dokumento sa iisang lugar.
Sa ginanap na nationwide launch sa Batasan Hills National High School sa Quezon City, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na tugon din ang inisyatiba sa mga hamong kinahaharap ng mga pamilya dahil sa pandaigdigang krisis sa ekonomiya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Sa panahon na nararamdaman ng maraming pamilya ang epekto ng krisis sa ekonomiya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mahalaga na inilalapit ng pamahalaan ang mga serbisyo at oportunidad sa ating mga kabataan,” ani Angara.
“Sa pamamagitan ng Serbisyo Fair, hindi na kailangang gumastos at pumunta pa sa iba’t ibang tanggapan upang makuha ang mga dokumentong kailangan para makapaghanapbuhay,” dagdag niya.
Sa ilalim ng programa, maaaring makakuha ang mga kalahok ng mga dokumentong kailangan sa paghahanap ng trabaho tulad ng police at NBI clearances, PhilHealth registration, at iba pang requirements na karaniwang hinihingi sa mga first-time jobseekers.
Ayon naman kay DOLE Undersecretary Carmela I. Torres ng Employment and Human Resource Development Cluster, pinagtitibay ng ugnayan ng DepEd at DOLE ang mga hakbang upang masigurong mas maayos ang paglipat ng mga kabataang Pilipino mula edukasyon patungo sa trabaho.
“Sa pamamagitan ng pagtutulungang ito, layunin natin na mapataas ang employability ng ating mga Senior High School graduates at palawakin ang kanilang access sa mga job opportunities sa pamamagitan ng Serbisyo Fair na ito,” ani ni Undersecretary Torres.
Nakikilahok din ang mga pribadong kumpanya sa mga fair, kung saan nag-aalok sila ng mga bakanteng trabaho at nagsasagawa ng recruitment activities mismo sa mga paaralan.
Batay sa paunang resulta ng pilot rollout, naging malakas ang partisipasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor. Sa siyam na paaralan sa Metro Manila, Sorsogon, Talisay City sa Cebu, at Panabo City sa Davao del Norte, 300 mag-aaral ang agad na natanggap sa trabaho, habang 1,428 benepisyaryo ang nakakuha ng libreng government clearances at iba pang serbisyong may kinalaman sa employment.
Humigit-kumulang 600 mag-aaral ang dumalo sa launch event sa Batasan Hills National High School, kasama ang mahigit 20 pribadong kumpanya na nag-alok ng job vacancies at recruitment opportunities.
Sa pagpapalawak ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, mas marami pang mga nagtapos na mag-aaral sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang magkakaroon ng access sa mga oportunidad sa trabaho, serbisyo ng pamahalaan, at iba’t ibang career pathways habang sila ay nagsisimulang pumasok sa workforce.


