LUNGSOD NG LIPA, Batangas, 26 Marso 2026 — Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara nitong Huwebes ang mahalagang papel ng agrikultura sa pagpapabuti ng nutrisyon ng mga mag-aaral at sa pagpapalakas ng mga lokal na komunidad, kasabay ng kanyang pakikipagpulong sa mga kooperatiba ng mga magsasaka sa Batangas.

Nakibahagi si Angara sa isang dayalogo kasama ang mga magsasaka, opisyal ng paaralan, at iba pang stakeholder sa edukasyon upang palakasin ang ugnayan ng mga paaralan at lokal na agrikultura sa ilalim ng pinalawak na School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education.

Layunin ng programang ito na direktang kumuha ng fresh produce mula sa mga grupo ng magsasaka habang nagbibigay ng mas masustansyang pagkain sa mga mag-aaral.

Bahagi ang pagbisitang ito sa isang mas malawak na programa ng pamahalaan sa Batangas na pinangungunahan ng Office of the Executive Secretary. Kasama rito ang paglunsad ng mga bagong imprastraktura at pagbubukas ng karagdagang school facilities sa Lipa City. Sa Tangway Integrated School, nakipagpulong si Angara sa mga kinatawan ng siyam na kooperatiba ng mga magsasaka at tinalakay kung paano makatutulong ang lokal na produksyon ng agrikultura sa feeding program ng paaralan at masisiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng sariwang gulay para sa mga estudyante.

“Kinikilala natin ang mahalagang papel ng ating mga magsasaka, lalo na sa gitna ng mga hamon na kanilang kinakaharap,” ani Angara. “Malaki ang ambag nila sa Expanded SchoolBased Feeding Program na mas marami nang mag-aaral ang maaabot.”

Nakatakdang ilunsad ng DepEd ang pinakamalaking School-Based Feeding Program nito matapos makakuha ng makasaysayang badyet na PhP25.6 bilyon para sa School Year 2026– 2027—mahigit doble sa PhP11.8 bilyon na inilaan noong 2025. Inaasahang makikinabang ang 4.63 milyong mag-aaral simula Hunyo, kaya’t maituturing ito bilang isa sa pinakamalalaking programang pangnutrisyon sa mga pampublikong paaralan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa kasalukuyan, may 895 mag-aaral ang Tangway Integrated School, at sinusuportahan ng feeding program nito ang mga batang kulang sa nutrisyon sa pamamagitan ng regular na pagpapakain gamit ang mga gulay mula sa kanilang school garden at mga kalapit na sakahan.

Noong School Year 2025–2026, nakapagbigay ang paaralan ng masustansyang pagkain sa 121 mag-aaral na kulang sa nutrisyon, na nakatulong sa pagbuti ng kanilang kalusugan, pagpasok sa klase, at pakikilahok sa mga gawain sa paaralan.

Itinuturing din ang paaralan bilang pilot site para sa farm-to-school procurement model, kung saan direktang makakapagsuplay ng ani ang mga kooperatiba ng magsasaka sa mga paaralan. Inaasahang magbibigay ito ng mas stable market para sa mga magsasaka habang tinitiyak ang sariwa at masustansyang pagkain para sa mga estudyante.

Nauna rito, nakibahagi rin si Angara kasama si Executive Secretary Ralph Recto at iba pang miyembro ng Gabinete sa pagbubukas ng isang apat na palapag na gusali na may 16 na silidaralan sa Padre Valerio Malabanan Elementary School sa Lipa City. Bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang kakulangan sa silid-aralan at mapabuti ang mga pasilidad sa pagkatuto.

Ang mga aktibidad na ito ay bahagi ng mas malawak na inisyatibang “Matatag na Batangas Tungo sa Bagong Pilipinas,” na nagtatampok ng pagtutulungan ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang palakasin ang imprastraktura, social services, at mga programang pang-edukasyon para sa mga mag-aaral at pamilyang Pilipino.