
LUNGSOD NG MAKATI, 27 Marso 2026—Matagumpay na nakakuha agad ng trabaho ang hindi bababa sa 1,488 graduates ng Senior High School (SHS) at mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) sa ginanap na nationwide rollout ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF).
Ang hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paikliin ang agwat sa pagitan ng pagtatapos sa pag-aaral at paghahanap ng trabaho.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Education (DepEd) at Department of Labor and Employment (DOLE), mga 40 na paaralan sa buong bansa ang nagsilbing one-stop shop para sa mga pre-employment services at job vacancies.
Sa sabay-sabay na pagpapatupad ng BPSF noong Miyerkules, hindi bababa sa 1,188 SHS Technical-Vocational-Livelihood (TVL) graduates at ALS learners ang nakakuha kaagad ng trabaho, bukod sa 300 learners na na-hire on the spot sa mga naunang pilot run sa Metro Manila, Sorsogon, Cebu, at Davao del Norte.
Sa kabuuan, nasa 40 porsyento ng mga kwalipikadong aplikante ang na-hire on the spot sa mismong fair.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na malaking tulong ang BPSF sa pagbabawas ng gastusin ng mga pamilya dahil pinag-isa na sa iisang bubong ang mga ahensya ng gobyerno at mga employer.
“In times of crisis, it is our duty to bring government services and real-world opportunities closer to our learners to ensure they have a fighting chance as they enter the workforce,” pahayag ni Secretary Angara.
“By eliminating the high costs of pre-employment requirements, we empower our graduates to focus on building their career immediately.”
Ayon naman kay DOLE Undersecretary Carmela Torres, layunin ng inisyatiba na iparamdam sa mga kabataan na nakikinig ang pamahalaan at handang magbigay ng employment pathways para sa kanilang kinabukasan.
“We want our youth to know that the government is listening and providing the necessary assistance and services as they take their first steps toward a career. Through the BPSF, we are not just offering jobs; we are offering employment pathways,” sinabi ni Undersecretary Torres.
Bukod sa trabaho, nasa 5,975 na mag-aaral ang nakakuha ng mga libreng dokumento tulad ng birth certificate at NBI at police clearance.
Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa First Time Jobseekers Assistance Act o Republic Act No. 11261, na isa sa mga batas na inakda ni Secretary Angara noong siya ay nasa Senado pa.
Para kay Trexie Estayan, isang Grade 12 TVL learner mula sa Irosin, Sorsogon, isang malaking ginhawa ang programang ito.
“Ang hirap po talaga magsimula pagkatapos grumaduate. Hindi ko po alam kung saan pupunta, kung saan ako magsisimula. Pero dito sa Serbisyo Fair, nandito na pala lahat,” pasasalamat niya matapos ma-hire on the spot.


